Wednesday, September 30, 2009

Ondoy

Isang araw ng Sabado,
Umulan ng todo-todo
Inakalang ordinaryong bagyo
Dala pala’y delubyo!

Sa ilang oras ng pag-ulan
Pagtangis ay ‘di maparam
Sa pagtaas ng baha,
Kasabay ay pagluha!

Mahirap man o mayaman
Libo-libong mamamayan
Maging hayop ay naapektuhan
Sa isang iglap, ari-aria’y lumisan!

Mga gamit ay pasan-pasan
‘di malaman ang patutunguhan
Buong bayan ay putikan
Ito na ba ang katapusan?

Mga pagtangis at palahaw
Ang syang umalingawngaw
Sa ilang oras ng pag-ulan
Natuliro ang buong bayan!

Dumami ang palaboy,
Baya’y talaga namang nababoy
Ang iba’y nilamon pa ng apoy,
Sa bagsik ng bagyong Ondoy!

Hanggang kailan daranasin?
Hanggang kailan titiisin?
Ang sakit na iniwan,
Ng 9 na oras na pag-ulan?

Wala nang sisihan,
Wala nang turuan.
Sa ganti ng kalikasan
Bayanihan ang kailangan.

Ako’t ikaw, may pananagutan
Sa delubyong ito na naranasan
Kailan kikilos, kailan aaksyunan,
Ang hinaing ni Inang kalikasan?

Panahon na para ipakita
Ang pagmamahal at pag-aaruga
Sa mundong pahiram lamang
Ng Diyos na may lalang.

Sa pagtatapos ng unos
Sabay na nating ipaagos,
Kalimutan na ng taos,
Mga karanasang kalunos-lunos,

Muling sisikat bahag-haring pangako
Ito ang paraan upang tayo ay ma-alo
Sa trahedyang ito na kinasapitan
Diyos lamang ang talagang makakapitan!

________

Sa lahat ng biktima ng bagyong Ondoy, my prayers are with you... Just keep the faith... God is in control of everything, trust Him with all your hearts! God bless!