Sunday, December 27, 2009

Tatsulok

Madalas akong umuuwi ng Laoag mag isa. Kadalasan nagba-bus lang ako at in-enjoy ang 9 na oras na byahe. Masakit man sa puwet ang siyam na oras na pagkakaupo, masaya ko namang napagmamasdan ang ganda ng tanawin sa labas.

First time kong mag eroplano papuntang Laoag at first time ko ding magbusiness class na trip. Bongga! (wala lang choice at fully book na ang eco class) Pero dahil first time ko, may ilang privilege akong hindi nagamit. Pumila pa rin ako ng pagkahaba-haba papasok ng Domestic entrance, meron palang sariling entrance ang VIP at Business class, wala pang pila! Tsk..tsk.. Sayang!

Kumuha na ako ng boarding pass matapos ang riot sa pila, dami kasing sumisingit.. Binigyan ako ng Mabuhay card at pinatuloy sa Mabuhay Lounge. Dito ang waiting area ng mga "elite".

Overflowing coffee, buffet food at talagang serbisyong todo. Parang bigla akong nakakita ng isang malaking tatsulok. Konti lang kami sa lounge kumpara sa waiting area sa taas. Umupo ako sa isang sulok malayo sa mga elitista. Nagmasid at nagpahinga. Salamat sa aking handheld pc at meron akong madudutdot habang naghihintay.

May ilang personalidad akong nakita sa lounge. Si Imee Marcos na nakatabi ko pa sa plane at si Papa Gabby Lopez na nakatabi ko naman sa lounge. Hanga ako sa serbisyo sa Mabuhay lounge, kaya pala ang mahal ng business class. Hay!

Nagmamasid pa rin ako nang tawagin na ang pasahero papuntang Laoag. Nangingiti akong lumabas ng lounge, alam ko ito na ang una't huli kong pagbyahe ng business class. Hindi dahil sa mahal (naks!) kundi dahil naiinis ako sa sistema ng mundo. Bakit hindi lahat pwedeng bigyan ng "special treatment"? o kaya, wala na lang "special treatment"? Isa lang ang turing may pera ka man o wala. Alam ko malabong mangyari ito dahil isa lang ako at nasa kapangyarihan ang may gusto ng special treatment..

Kung minsan masarap din ang makatanggap ng “special treatment”. Nakakalungkot lang minsan dahil hindi balanse ang mundo. Marami sa mga kababayan natin ang hindi kumakain, walang matirhan at walang maisuot na maayos na damit samantalang ang iba ay sampu-sampo ang mansion, Governor pa ng lalawigan. Nakakalungkot dahil alam ko ganito at ganito na habambuhay ang sistema ng mundo. At ang pinakanakakalungkot sa lahat, hindi ako naligo nung araw na iyon! (kagagaling ko lang kasi sa sakit, ang aga ko pa nagising malamig. Blah.. blah.. blah..) Hindi tuloy ako nakapagpapicture kay Imee Marcos! Sayang!

Thursday, December 17, 2009

12.17.06

Masaya ang mga unang taon ng kabataan ko. Lagi akong may bagong laruan. Lagi kaming naggo-grocery ng nanay ko. Naging paborito ko ang jellyace at yakult. Tuwing hapon may merienda kaming spaghetti o kaya naman ay sopas, kahit ano basta magluluto ang nanay ko pag oras na ng merienda. Lagi din akong may bagong damit. Naalala ko pa noon, terno-terno ang damit ko kaya madaling malaman ang kulay ng salawal ko kasi hilig ng nanay ko na pare-pareho ang kulay ng suot ko hanggang sa tsinelas ko. Kaya kung ano ang kulay ng sando ko, tiyak na tiyak ganon din ang kulay ng salawal ko.

Masaya pa talaga noon. Ako pa ang bunso. Lahat ng masabi ko sa tatay ko binibili nya. Naalala ko din yung isang “money-making” contest sa baranggay namin. Pinilit talaga nyang manalo ako kahit maubos ang lahat ng pera nya basta ako ang maging “Manna Princess” ng baranggay namin. Feeling ko noon, kami ang pinkamayaman sa lugar namin kasi ang ganda ng gown ko noon.

Natapos ang mga masasayang araw na yun ng maghiwalay ang nanay at tatay ko. Grade Six ako noon. Yung dating masaya, naging magulo. Recognition Day ko, wala akong kasamang magulang. Malungkot. Magulo. Mahirap.

Nakatapos ako ng kolehiyo ng hindi ko nakasama ang tatay ko. Wala na sa isipan ko na babalik pa syang muli. Hindi na ko umaasa. Naglaho na din ang galit na dating nananahan sa puso ko. Nagsimula kaming muli ng hindi kasama ang tatay ko.

Magaling ang Diyos. Sa mga panahong hindi ko na inaasahang darating sya, doon sya bumalik. Mahina na at may karamdamang lalong nagpapahina sa kanya. Hindi man na kami sing garbo ng dati, naging masaya ulit ako sa pagdating nya. Hindi man naging matagal ang pagsasamang iyon, at least nagawa pa rin nyang magkwento ng tungkol sa kabataan nya. Mga kwentong hindi nya naikwento sa amin dati.

Disyembre 17, 2006 ng muli syang umalis sa aming bahay, at sa pagkakataong ito alam kong hindi na talaga sya babalik.

Hindi mo man na naririnig pero sasabihin ko pa rin.. Salamat ‘tay!

Thursday, December 3, 2009

Bayani

Ilang linggo na ring laman ng balita ang pangalan nina Manny Pacquiao at Efren Penaflorida bilang mga bagong bayani ng ating bayan.

Mga bayani sila sa kani-kaniyang larangan.

Si Pacman bilang kauna-unahang Pinoy na kampeon sa pitong dibisyon ng boxing (light welterweight, lightweight, super featherweight, featherweight, super bantamweight, flyweight, at kasalukuyang welterweight champion) at si Efren bilang 2009 CNN Hero of the Year dahil sa kanyang pambihirang adhikain na makatulong sa mga kapus-palad nating kabataan sa pamamagitan ng kanyang kariton classroom.



Bayani dahil sa karangalang ibinigay nila para sa ating bansa at sa taos-pusong pagtulong sa kapwa.

Marami din akong nakitang bayani noong panahon ng bagyong Ondoy at Pepeng. Lahat may iisang damdamin, sentimyento at layunin - ang makatulong sa kapwa.

Sabi nga ni Kuya Ef (naks! feeling close), lahat tayo ay may bayaning itinatago sa ating mga sarili, kailangan lang natin mahanap sa kaibuturan ng ating puso kung ano at paano tayo magiging bayani.

Ilang buwan na lang at eleksyon na. Maraming mga bagay ang nagpapabilis ng tibok ng puso ko. Nariyan ang karahasan dahil sa kapangyarihan, ayaw mawala sa kapangyarihan, at mga ganid sa kapangyarihan.

Ilang buwan na nga lang… Sana sa May 10, 2010 ipakita natin ang ating kabayanihan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat at may malinis na hangarin para sa ating bayan. Simulan natin ang pagbabago sa tamang pagpili ng kandidato.

Maging mapagmasid. Buksan ang isip. Manalangin!

Maging Bayani! :)