Ilang taon na din tayong magkasama
Pilit at pinilit na ako'y mapasaya
Bawat kilos mo ako ang inaalala
Lagi ang kaligayahan ko ang inuuna.
Tuwing lalabas ang tanong "san ang gusto mo?"
Gusto mong sa pagkain ang tiyan ko ay puno
Kahit paulit ulit basta dapat gusto ko,
Dun tayo sa Jollibee kahit gusto mo ay Mcdo.
Naging masaya ako sa piling mo
Pakiramdam ko ang swerte ko
Dahil ikaw ang kasama ko
Na walang inisip kundi ako.
Ilan taon na nga bang laging ganito?
Puro ako ang sentro ng isip mo
Sinunod ang lahat ng gusto ko
Nililinisan pati na ang kuko ko.
Sa ilang taon palaging ako
Kahit na may sarili ka ring gusto
Palaging ako ang kinakamusta mo
Namuti na mata sa kakaintay sa text ko.
Manhid ba talaga ako sa gusto mo?
Ni hindi ko alam ano ang lagay mo
Masaya ka pa rin bang laging gan'to
Nasasaktan at umiiyak ng patago?
Naging abala ba ako sa ibang bagay?
Kaya di ko pansin ang lahat ng binigay
Kahit mga salita ko'y lumalatay
Sa damdamin mo anumang oras eh bibigay?
Alam kong nasasaktan ka
At lihim na lumuluha
Pakiwari'y walang kwenta
At oras mo'y nasayang na!
Hindi ko alam san sisimulan
Ang panunuyo ng pagmamahalan
Hindi ko gawi ang emote-tan
Kaya mukhang walang pakialam.
Sana minsan masabi mo
Ang hinaing ng puso mo
Subok lang baka matauhan ako
Sa katangahan ng puso ko!
"ito ang mga kwentong chalk ng buhay ko, mga kwentong maaaring mabura ng mga bagong kwentong hinahabi ng panahon!"
Monday, November 8, 2010
Tuesday, November 2, 2010
Araw ng mga...
Hanggang ngayon nalilito pa rin ako kung ano ba talaga ang pinagdiriwang tuwing a-uno ng Nobyembre. Sa isang kalendaryo kasi namin ang nakasulat eh All Saints Day kulay pula pa ang sulat tanda na isa itong regular holiday. Sa isa naman naming kalendaryo na galing sa Mang Andoy's Sari-sari store ang nakalagay naman ay Araw ng mga Patay kulay pula din ang sulat. Eh ano ba talaga kuya? Pero palagay ko hindi na muna importante kung ano ba talaga ang ginugunita sa araw na ito, ang importante nakaalala tayo... :)
Tuwing unang araw ng Nobyembre paniguradong walang pasok sa eskwela o sa opisina, sabi ko nga kulay pula ito sa kalendaryo. Halos lahat ay abala sa paghahanda papuntang sementeryo para dalawin ang mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Matagal-tagal na din nung huli akong dumalaw sa sementeryo, marahil dahil sa paglipat-lipat namin ng tirahan at napalayo na ng husto sa mga libingan ng mga kamag-anak.
1994 noong una kong makapunta sa sementeryo (eto na yung panahon na may naaalala na 'ko, may muwang na..) Tita Lisa ko ang una sa mga kamag-anak namin na namatay. Enero 1, 1994 nang tuluyan na syang bawian ng buhay. Nakababatang kapatid sya ng nanay ko. Hanggang sa ngayon hindi pa rin namin alam kung ano ba talaga ang totoong kinamatay nya. Bigla na lang kasi siyang naguluhan sa mundo at nanghina. Sabi ng mga matatandang taga baryo kulam daw. Sabi ng doctor pulmonya daw. Noong mga panahon kasing iyon, mangingilabot ka pagkausap mo sya. Mukha kasi siyang walang sakit, malakas. Namatay sya noong pa-graduate ako ng elementarya.
October 1997 naman ng mamatay ang Tita Lita ko. Bunsong kapatid ng nanay ko. Biktima sya ng isang drug adik na nagwala sa kanto. Biglaan. Malungkot kasi malapit kaming pamilya sa Tita ko na ito. Para na syang anak ng nanay ko. Namatay sya pa-graduate ako ng high skul.
Sumunod na balik ko ng sementeryo noong 2001. Namatay naman ang lolo ko. Buti na lang natapos na ang kaso ng Tita Lita ko bago sya namatay. Pa-graduate na ko ng college nun.
Ang huling punta ko ay noong namatay ang tatay ko noong December 2006. Patapos na thesis ko sa Masteral ng pumanaw sya dahil sa liver cirrhosis. Pa-graduate na din ako nung namatay sya.
Gusto ko pa sanang mag doctoral at mag Law school, pero hindi na ko muna nagtuloy. Napansin ko kasi tuwing matatapos na ko eh may namamatay, kaya hahayaan ko na lang na ang mga pangarap na yun na lang muna ang pumanaw. :)
Nitong nakaraang Undas ay nakadalaw akong muli sa sementeryo. Inalala ang mga kamag-anak na yumao. Habang nagmamasid, nagbalik sa alaala ko ang mga tradisyong nakasanayan na naming gawin ng mga pinsan ko nung bata pa kami.
Excited kami dati 'pag pupunta na sa sementeryo, bukod sa pagdalaw sa mga puntod, may iba pa kaming agenda ng mga pinsan ko sa sementeryo. Dala ang mga lubid, nagpapalipad kami ng saranggola habang nakatuntong sa mga puntod. Noon natatakot pa kaming pumatong sa mga puntod kasi baka hilahin daw ang mga paa namin. Pero isa lang pala itong pananakot at pawang kalokohan lang.
Nangongolekta din kami ng mga "luha" ng kandila para gawing floor-wax sa school. Palakihan kami ng bolang kandila. Pakiramdam ko ang husay ko pag ako ang may pinakamalaking bola ng kandila. Pinagbawalan din kami dati na manguha ng mga luha ng kandila kasi maiihi daw kami sa higaan. Katulad ng nauna, isa lang din itong pauso ng matatanda dati.
Hilig din namin ang umikot sa sementeryo at tingnan ang mga puntod. Kinukwenta namin kung ilang taon na yung taong nakalibing nung sya ay pumanaw. At sabay-sabay kaming magsasabing "Ang bata naman nyang namatay". Wala lang, gusto lang naming magbilang para mahasa ang aming Math.
Hilig din namin ang magtakutan kasi pare-pareho kaming takot at ito ang magiging simula ng away at iyakan. Pero maya-maya makikita mo ulit kaming magkakasama, at muling magtatakutan!
Kung tutuusin, ang a-uno ng Nobyembre ay hindi lang talaga pag-alala sa mga namatay. Isa din itong panahon ng pagtitipon at pagsasama-sama ng mga magkakamag-anak. Araw na sa pakiwari natin ay muli nating nakakasama ang mga kamag-anak nating yumao.
Pagpasok mo naman sa eskwela, tradisyon na din ng mga guro ang magpasulat sa "formal theme" ng mga essay at sanaysay sa Filipino tungkol sa mga ginawa natin sa Araw ng mga... Hindi ko alam kung anong kaligayahan ang nakukuha ng mga titser ko kapag nalaman nila ang mga ginawa ko sa araw na ito.
Noon, masaya naming ginugunita ang araw na ito at hanggang sa ngayon masaya ko pa ring inaalala ang mga karanasan ko sa araw ng mga...
_______________
"Life does not end in the grave, let's celebrate life for we only have one life to live." -pauso lang

Subscribe to:
Posts (Atom)