Thursday, December 23, 2010

Hustisya

Court room.

Abogado: Nene, maari mo bang ituro kung sino ang gumahasa sa iyo?
Nene: Siya po. (sabay turo kay Totoy)

Ilang taon na rin ang nakalipas nang maganap ang isang pangyayaring bumago sa buhay ni Totoy.

Bunsong anak si Totoy mula sa limang magkakapatid. Hindi man mayaman, maayos ang pamumuhay ng pamilya ni Totoy. Masasabi mong paboritong anak, pamangkin at apo si Totoy dahil sa atensyong ibinibigay sa kanya, pero hindi naman siya naging "spoiled", sadya lamang malambing ang bata kaya kinagigiliwan ng lahat.

Si Nene naman ay anak ni Loreto, kilalang adik sa lugar nila. Ang nanay nya naman ay nagtatrabaho sa Japan bilang "entertainer". Kasama nila Nene sa bahay ang mga kapatid ng inang si Tessa. Si Makoy, bagamat mainitin ang ulo, ay masipag na naghahanap buhay para sa sarili nyang pamilya. Si Dina na madamot at mataray naman ang nangangasiwa ng maliit na negosyong naipundar ni Tessa. Kasama din nila ang kapatid na si John, na galing ng Laguna na pinauwi dahil sa maselang kasong kinasangkutan. Ganitong mga kasambahay ang kinalakihan ni Nene. Maaga siyang namulat sa masasamang gawain ng ama. Sa loob pa mismo ng bahay nila minsan umiskor ang ama at kung minsan may sugalan din.

Pinsan ni Tessa si Totoy, pamangkin naman ni Totoy si Nene. Sa isang compound lang naninirahan ang pamilya ni Totoy at Nene. Dahil hindi naman nagkakalayo ng edad, madalas na magkalaro sina Totoy at Nene.

Umuwi ang nanay ni Nene para magbakasyon ng isang buwan sa Pilipinas. Dahil matagal na nawalay sa anak, mahigpit na yakap ang sinalubong sa anak. Nagtaka ang ina nang mamilipit sa sakit ang anak, pero hindi rin naman masyadong pinansin ng ina, sa halip ay ibinida na sa anak ang mga winnie the pooh at hello kitty na laruan na sadya namang kinagiliwan ng anak.

Isang umaga, nakakwentuhan ni Tessa ang ina ni Totoy, dahil pamangkin at nagmamalasakit ay naikwento nya kay Tessa ang gawain ng asawa. Laking gulat ni Tessa at daliang nagdesisyong mag-alsa balutan kasama ang anak na si Nene at mga kapatid . Doon sila tumuloy sa bahay nila Dina sa Pasig. Galit na galit si Loreto sa ina ni Totoy. Hindi naman nagtagal ay sumunod din si Loreto sa mag-ina at nagpaliwanag na tinanggap naman ni Tessa at doon na sa Pasig nanirahan ang pamilya.

Dumalaw ang pamilya sa dati nilang bahay, at dahil bakasyon, inanyayahan ni Loreto si Totoy na magbakasyon sa bago nilang bahay. Pumayag naman ang ina ni Totoy at sinabihan si Totoy na umuwi rin sa susunod na linggo dahil enrolment na.

Nakakatatlong araw palang si Totoy sa bahay nang masaksihan niya ang hindi inaasahang eksena. Wala noon ang mga magulang ni Nene. Sila lamang ang tao nang mga oras na yun. Palabas si Totoy ng banyo nang makita nyang hinahawakan ng kapatid ni Tessa na si John ang maselang bahagi ni Nene. Sandaling natigilan si John at lumapit kay Totoy. "Subukan mong magsumbong, papatayin ko nanay mo", ang bulong ni John kay Totoy. Hindi miminsang ginawa ni John ang ganong kahalayan sa pamangkin. Noon pa mang nasa dati silang bahay ay ginagawa na niya ito lalo na kapag lango sa droga kasama ang ama ni Nene.

Wala pang isang linggo ay nagpasya nang umuwi si Totoy sa kanila. Sa takot ay hindi rin niya nagawang magsumbong sa ina. Isang linggo ang nagdaan nang isang sulat ang dumating sa bahay nila Totoy. Sobpeana galing sa Regional Trial Court ng Pasig. Muntik nang himatayin sa nerbyos ang ina ni Totoy nang makita ang sulat. People of the Philippines vs. Totoy Diokno, statutory rape.


Paano nga ba gumagalaw ang hustisya sa ating bansa? Gaano na nga ba karami ang nagdurusa sa loob ng rehas na bakal dahil sa mga kasalanang hindi sila ang may gawa? Tama pa ba ang ikot ng hustisya sa aking bansang pilit na pinaniniwalaang aahon sa kinasasadlakan? Nakakamit nga ba ang hustisya sa pagpapakulong ng taong inosente? At bakit nga ba marami ang nakukulong gayong wala naman silang kasalanan?

Isa lamang ang kwento ni Totoy sa palagay kong dumaraming kaso ng mga napipiit na walang kasalanan. Isa lamang sya sa mga nagdusa sa loob ng piitan para sa kasalanang hindi sya ang may gawa. Ilang taon n’yang tiniis ang malayo sa pamilya sa gulang na dapat ay inaaruga at inaalagaan pa sya ng magulang at mga kapatid. Ilang taon ang nasayang sa loob, nalipasan ng kabataan at napag-iwanan ng mga kaibigan.

Marahil hindi na bago sa atin ang bulok na sistema ng ating hustisya. Sa loob ng ilang taon, pinilit sikmurain ng pamilya ni Totoy ang umaalingasaw na baho ng sistema ng hustisya. Kinailangang magbayad sa mga bilanggo para lang maprotektahan ang bunsong anak, “maglagay” sa mga pulis para lang ‘wag mahagupit ang murang katawan, halos araw-araw na pagbisita para lang masiguro ang kaligtasan at matiyak ang kalusugan ng pinakamamahal na anak. Kung titingnan mo nga naman kasi ang sitwasyon ng mga bilanggo, hindi mo rin maipagkakatiwala sa kanila ang iyong anak. Ilan lang iyan sa pasakit na nilampasang pilit hindi lang ni Totoy kundi ng buong pamilya higit pa ang emosyonal na pasanin na talagang pumipiga sa puso ng kanyang ina.

Inabot ng ilang taon ang pakikipaglaban ni Totoy. Tiniis ang hirap sa loob kasama ng mga totoong kriminal. Patuloy na naniniwala na patas ang batas. Na sa huli mapapatunayan din na wala s’yang kasalanan.

Masakit para sa pamilya ng biktima ang makitang pinapalaya at pinapawalang sala ng batas ang mga taong sa palagay nilang lumapastangan sa kanilang mga mahal sa buhay, pero palagay ko, parehong sakit ang nararamdaman ng mga pamilya ng mga taong inaakusahan sa sala ng iba. Ganap nga ba ang hustiya kung maling tao ang naihabla? Sa palagay ko’y hindi, dahil ang hustiya ay makakamit lamang kung pagbabayaran ng taong tunay na nagkasala sa batas.

Sa huli, tanging Diyos lamang ang nakakaalam sa puso ng bawat isa. At sa Kanya walang maitatago ang sinuman.

Laya na si Totoy. Isa siya sa mga napalaya nang maisabatas ang RA9344 o Justice Juvenile Act of 2006 - ito ang batas na nagpapalaya o nagpapawalang sala sa mga kabataan edad 15 pababa na nagkasala sa batas. Inililipat ng batas na ito sa DSWD ang responsibilidad sa paghubog sa mga kabataang naging delingkwente sa batas patungo sa kanilang pagbabago. Mapalad pa rin si Totoy dahil sa kabila ng mga nangyari sa kanya, heto at magtatapos na sya ng kolehiyo. Nararanasan na nya ang kalayaan at ang walang hanggang pagmamahal ng pamilya. Pinipilit magsimula at madugtungan ang kabataan na ipinagkait sa kanya ng hustiyang umiiral sa bansa.

Laman ng mga pahayagan at ng mga balita ngayon ang pagpapasawalang sala kina Hubert Webb at ibang kasamahan sa kaso ng Vizconde Massacre. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, kung sasang-ayon ba ko sa sabi ng Korte Suprema o makikisimpatya kay Mang Lauro. Mahaba na ang tinakbo ng kaso,at sa hinaba-haba lalo lang ako nayayamot sa sistemang meron ang bansa.