Lumaki ako sa panahong kakaunti palang ang sementadong kalsada. Maputik ang daanan papuntang eskwela, papuntang bayan, maging sa mga kapitbahay. Paniguradong bibigat ang magara mong sapatos kapag inabot ka ng ulan sa daan. Ang mga dyip ay makikita lamang sa mga pangunahing lansangan kaya mas madalas lakad talaga ang pangunahing transportasyon.
Mabilis na umusad ang panahon, parang kailan lang ang mga putikang kalsada sa harap ng bahay namin e sementadong kalye na na dinaraanan ng mga pampasaherong sasakyan ngayon. Bibihira na ang makikitang mong naglalakad dahil may tricycle naman na pwedeng sakyan papuntang eswela at dyip papuntang bayan.
Noon naiinis ako kapag umuulan, kasi paniguradong maputik na sapatos na naman ang lilinisin ko pagdating sa bahay. Hassle men! So jologs! Pero ngayon parang hinahanap-hanap ko ang mga maputik na kalsada na tatak ng aking panahon.
Masaya ako nang mapasama ako sa grupo ng Kansurok Mission Team noong 2008, bukod kasi sa ispirtwal na kahalahagan ng pagpunta dun e nanariwa din sa aking alaala ang aking kabataan. Yebah!
Nasa Baranggay Tugos ang Kansurok sa bayan ng Boac, Marinduque. Bago mo marating ang lugar na ito sasakay ka ng barko mula Lucena patungong Cawit, Marinduque. Halos tatlong oras ang mabagal na biyahe sa dagat. ‘pag dating sa Cawit, sasakay ka pa ng tricycle papasok ng magubat na baranggay ng Tugos. Mula rito, lalakad na kami at daraanan sa siyam na ilog na pumaikot sa buong Tugos. Apatnapu’t limang minuto ang gugugulin mo sa paglalakad patungong Kansurok, yun ay kung hindi ka maliligaw at mabilis kang maglakad. :)
Habang naglalakad, naalala ko ang aking kabataan. Nanariwa sa aking isip ang mga maputik na kalsada noong gradeschool ako, ang paglilinis ng maputik na sapatos, ang paglalaro ng tubig baha sa kalye, taguan-pong sa mga puno ng saging at mangga, habulan tuwing hapon, pawisan at amoy-araw na singaw ng katawan pag uwi sa bahay. O yeah, this is the life!
Pangunahing layunin namin sa pagpunta ay para maipahayag at maipakalat ang salita ng Diyos sa kasulok-sulukang bahagi ng Kansurok. Pero sa kondisyon noon ng Kansurok, naiisip din namin na kahit papaano ay maiangat ang antas ng kalidad ng kanilang pamumuhay.
Muli kaming bumalik sa bayan ng Kansurok noong nakaraang linggo. Ito na ang ika-apat na taon namin simula nang umpisahan ang aming misyon sa lugar na ito. Sa loob ng apat na taon, masasabi kong may pagbabago na sa lugar na ito ng Marinduque. Kung noon, kahit yung mga mismong taga Marinduque ay hindi alam kung nasaan ang Kansurok, at least ngayon nadagdagan ang lugar na alam nila sa bayan ng Tugos. Kung noon, siyam na ilog ang dapat tawirin, ngayon eh makakapasok na ang sasakyan dahil tuyo na ang ilog at pinatag na ang gilid ng bundok na syang nagsisilbing daanan papasok ng Kansurok. May pailan-ilang bahagi ng kalsada ang sementado na rin. Para sa akin, malaking pag-unlad na ito para sa isang bayang muntik nang makalimutan ng gobyerno.
Pag-unlad. Progreso. Pag-asenso. Sino ba ang may ayaw sa mga yan? Lahat ata ng pulitiko ito ang ibinabalandra tuwing kampanya. Lahat ng tao, ito ang gusto. Kumakayod araw at gabi para sa pag-asensong pinapangarap. Maging ako, hinihintay ko ang pag-unlad ng Pilipinas.
Masaya ako sa pagbabago sa Kansurok, pero hindi ko maitatago na sa isang bahagi ng puso ko ay may kurot ng lungkot. Kasabay kasi ng pagbabago ay pagkasira ng ilang bahagi ng kalikasan. Natutuyo na ang mga ilog na dati-rati’y kasama naming naglalakad. Nakakamis ang madilim na paligid na tanging alitaptap ang nagsisilbing tanglaw sa daraanan. Meron pa ring kuliglig pero kakaunti na ang mga palaka. Wala na ang mga putik sa kalye at unti-unti nang sumisilip ang pag-unlad. Nakakamis lang talaga ang payak na buhay sa nayon.
Walang masama sa pag-unlad, pero sana kaya nating umunlad nang hindi nasisira ang kalikasan, na hindi kailangang pumutol ng libo-libong puno, o ilog na matutuyo. Sana abutin pa ng mga apo ko ang ganda ng kalikasang pinagkatiwala sa Pilipinas.
Saan pa kaya may putik? (Dora, where’s the map?)