Si Tatay ang malaking impluwensiya ko sa basketball, lalo na sa Ginebra, chess, billiards, isama na din natin pati karera ng kabayo. Siya din ang nagturo sa ‘kin na magmultiply gamit ang sampung daliri. Masaya pa kami nu’n hanggang sa umikot na ang tadhana.
Grade school ako nang tuluyang maghiwalay ang mga magulang ko. Nabawasan na ang nakikisigaw ng “Anejo! Ginebra!” sa loob ng bahay namin. Nawalan na din ng suki si Manong Bobby ng tumataya sa kanya ng ending. Matagal ding nakalimutan ang Happy Father’s Day sa loob ng tahanang binalot ng lungkot at hinagpis. Mahirap.
Sa mahabang panahon, tanging si nanay ang nakasama namin. Siya ang tumayong nanay at tatay para sa aming limang magkakapatid. Nakita ko ang hirap ni nanay, minsan nahuhuli ko s'yang umiiyak. Ramdam ko yung bigat ng responsibilidad na nasa balikat nya ng mga panahong iyon. Pero hindi siya sumuko. Pinilit nyang kayanin ang lahat ng hirap dahil sa pagmamahal nya sa ‘min. Bihirang-bihira akong magkwento nang tungkol kay nanay, kasi hindi ko mahagilap ang mga salitang tutumbas sa mga hirap at kabutihan nya.
Higit ko siyang hinangaan nang bumalik si tatay. Sa tagal nang panahon, alam kong may bahid ng galit pa rin ang puso nya. Sa simula, hindi din nya alam kung ano ang magiging reaksyon, pero nangibabaw pa rin sa kanya ang pagmamahal at pagpapatawad. Tinanggap nya si tatay at katulad ng dati, inalagaan at pinaglingkuran hanggang sa huling araw ni tatay sa mundo.
Hindi man naging matagal ang muli naming pagsasama bilang buong pamilya, masaya na ko dahil natapos ang buhay ni tatay na kami ang kasama, nakapagkwentuhan, at muling nakapanood ng laro ng Ginebra habang nakakabit ang oxygen sa ilong.
Muli mang umalis si tatay pero patuloy naming ipagdiriwang ang Happy Father’s Day para kay nanay na patuloy na nagiging tatay para sa amin.
Kaya para sa'yo 'nay, Happy Father’s Day!