Kamusta ka na? Pasensya ka na kung… m..m- medyo matagal bago ko nagkaro’n ng lakas ng loob para makipagkita ulit sayo. Hinanap kita, pero wala ka na pala dun sa dati nating kumpanya. Ang dami nang nangyari sa atin, medyo nawala ako sa sirkulasyon. Nagpalipat lipat ako ng trabaho, hanggang ngayon kasi hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang gusto ko.
Naalala ko pa yung mga kulitan natin sa office, yung mga kwentuhang hindi nauubos.. Ang daldal mo kasi, lagi kang maraming nasasabi. Nakakatawa ka.
“Bakit ba kasi ayaw mo pang mag-asawa? Ayaw mo ba talagang mag-asawa o takot ka lang? Na-trauma ka ba sa huling relasyon mo?”
“Ewan ko sayo She! Basta ayoko lang. Ayoko lang siguro nang may inaalagaan.”
“Hindi lang naman ikaw ang mag-aalaga, aalagaan ka din. Ayaw mo talaga?”
“Ang kulit! Kumain ka na nga lang.”
Ikaw na ata yung pinakamakulit na nakilala ko. Lagi mong pinipilit yung mga reasoning mo. Napakahirap magpaliwanag sayo. Hindi pwedeng “oo” o “hindi” lang ang sagot kasi lagi kang may bakit. Bakit, bakit at walang katapusang bakit.
“O, late ka na naman.”
“Oo eh, wag ka nang maingay.”
“Bakit kasi late ka na naman?”
“Para namang bago ka ng bago sa ‘kin eh lagi naman akong late.hehehe”
“Hay naku Mr. De Guzman!”
“Sssshhh!”
Simula palang nu’ng unang araw na magkakilala tayo marami ka nang kwento. Kung minsan nga gusto ko nang takpan ang bibig mo para huminto ka magsalita. Ewan ko ba, pero parang lahat ng tao sa opisina kakilala mo at lahat kinakausap mo. Hindi ka napapagod magsalita.
Siguro sadya lang talagang masayahin ka, kasi kahit may problema ka ganon ka pa rin. Madaldal. Laging masaya. Saan ka nga ba kumukuha ng enerhiya at tila parang hindi ka napapagod?
Matagal tagal na din nung umalis ako sa kumpanyan natin. Pero kahit umalis na ‘ko, hindi pa rin ako nakakawala sa alaala mo. Hindi ko makalimutan yung mga masasayang alaala kasama ka, hin..ndi kita makalimutan. Naduwag lang akong aminin sayo kung ano yung tunay na damdamin ko. Natakot ako, baka mawala ka. Isa pa, alam ko namang happy ang lovelife mo, ayoko nang manggulo pa. Kaya mas minabuti kong umalis na lang nang hindi nagpapaalam. Mahirap, at hanggang ngayon nahihirapan pa rin ako.
“Ayaw mo pa rin bang mag-asawa?”
“Heto na naman tayo…”
“Sige na..”
“Alam ko naman magbabago pa yun. Siguro in the future, pero sa ngayon ayoko pa rin. Ayoko pa rin sa responsibilidad.”
“Alam mo, ‘pag dumating yung panahon na yun,sobra siguro kong maiinggit sa babaeng mapapangasawa mo. Kasi alam kong merong kakaiba sa kanya na hindi mo nakita sa ‘kin o kahit kaninong babae ngayon.”
“Sus! Ang arte!”
“Pa’no pala kung ikaw yung one great love ko? Pa’no pala kung ako talaga yung itinakda para sayo? Eh diba ang sabi minsan lang daw ang one great love?”
“Seryoso?!”
“Hehehe.. joke lang. Eto naman hindi mabiro. Oo na, ayaw mo nga ng commitment diba?.”
Matagal akong walang balita sa’yo. Ang alam ko lang magagalit ka dahil umalis ako nang walang paalam. Pasensya na kung hindi ko na naisip ang mga bagay na yun, gusto ko lang kumawala at hanapin kung ano ba talaga ang gusto ko. Naiinggit nga ako sa’yo, kasi alam mo kung ano talaga ang gusto mo sa buhay.
“Meron ka bang isang ultimate dream? Yung tipong gustung-gusto mong gawin simula palang nu’ng bata ka?”
“Ako? Wala. Hanggang ngayon nga hindi ko pa alam kung ano talaga gusto ko eh. Hehe.. Bakit?”
“Wala naman, meron kasi akong gustong gawin dati pa. Gusto ko ulit mag-aral. Gusto kong mag Law school. Pero hindi ko alam kung tama pa bang ituloy ko. Baka matanda na ko para sa pangarap na yun.”
“Alam mo, nakakainggit ka. Natutuwa ko sa mga taong alam nila kung ano yung gusto nilang gawin. Kung gusto mo talaga eh di gawin mo. Go!”
Nagpalit ka na din pala nang number at ayan nagpalit ka na din pala ng apelyido. Siguro nga tama lang na umalis ako nun, hindi ko rin kasi kakayanin na makita kang masaya sa piling ng iba. Hindi ko ata kayang makita kang masaya habang ako, wasak ang puso. Ang corny ko na, pasensya ka na.
Hindi ko alam kung nagawa ko na, pero gusto ko lang din magpasalamat sa’yo. Salamat sa lahat. Sa mga panahong kailangan ko ng kaibigan, nandyan ka. Salamat sa pagdamay mo sa mga panahong may problema ko. Salamat na palagi kang nasa tabi ko pag kailangan kita. Patawarin mo ako kung bigla na lang kitang iniwan sa ere. Hindi ko naman kasi alam na mahuhulog ang loob ko sayo. Hindi ko inasahang mamahalin kita ng sobra. Pinangunahan ako ng kaba at takot. Sorry kung ngayon lang, alam ko huli na ang lahat. Wala nang saysay kung anuman ang sabihin ko sayo. Gusto ko lang ilabas yung damdamin kong ilang dekada ko nang itinago. Mahal na mahal kita She!
“Excuse me po tatang, kaibigan po kayo ni mommy?”
“Ah, oo. Kaibigan nya ko. Anak ka nya?”
“Opo. David po.”
“David?”
“Sabi ni mommy para sa kanya everlasting love daw ang ibig sabihin ng pangalan ko. Galing daw po kasi sa one great love nya yung pangalan ko. Lagi nyang kinukwento yung taong yun. Dati nyang ka-opisina. Sabi nya sa ‘kin, minsan lang daw darating ang espesyal na pag-ibig at pag naramdaman ko na daw ito wag ko na daw pakakawalan kasi wala nang kasunod yun.”
“Ha? N-n-nasan ang daddy mo?”
“Matagal nang patay si daddy. Naaksidente sya nung 3 years old ako. Alam ni daddy ang tungkol sa one great love ni mommy. Tanggap nyang hindi sya ang magpapasaya kay mommy ng buong buo. Pero sabi ni mommy walang katulad daw ang pagmamahal sa kanya ni daddy.”
“Sorry to hear that.”
“Ok lang po. Ngayon ko lang po kayo nakitang dumalaw sa puntod ng mommy ko. Ano po pala ang pangalan nyo?”
“David.. David De Guzman, dating officemate ng mommy mo.”
~The End~