Mahilig ako sa magic noong bata pa ako. Kahit anong klaseng magic pa yan pinapatulan ko at namamangha ako. Kahit yung laway sa daliri na lumulipat sa kabila, dati aliw na aliw ako. Pati yung napuputol na hinalalaki napapa wow ako! Isang kamangha-manghang magic na para sa akin ang mga yun.
Nadala ko hanggang sa paglaki ko yung pagkahilig ko sa magic. Wala ako pakialam kahit may daya ang mga ito, basta nag-eenjoy akong panoorin ang mga magic nila. Pero higit sa mga magic na napapanood ko, mas humahanga ako sa mga magician na gumagawa ng tricks. Pakiramdam ko napaka-gifted nila para magawa nila ang mga ganong bagay. Nakakaaliw.
Isa sa mga hinahangaan kong atleta ay si Efren "Bata" Reyes, na binansagang "The Magician". Hindi sya magikero o payaso sa party, pero sa galing nyang magbilliard, mamamangha at mapapawow ka rin sa mga tira nya.
Nasubaybayan ko rin ang ilan sa mga laban nya, at naiiyak talaga ako pag natatalo sya. Minsan nga mas gugustuhin ko na lang basahin sya sa dyaryo para hindi na ko kakaba-kaba sa laban nya.
Napanood ko sa tv ang kwento ng buhay ni Mang Efren, sabi nga nya, hindi daw magic yung mga tira nya, yun daw ang tirang pa-tsam (pa-tsamba-tsamba). Wala siyang lehitimong training sa paglalaro ng billiards, kaya mas higit akong napahanga sa kanya. God-given nga ang husay nya sa paglalaro ng billiards.
Sabi ng isang kaibigan ni Mang Efren, mapamahiin daw si Mang Efren pagdating sa kanyang paglalaro. Dahilan para itapon nya ang kanyang pustiso sa cr ng eroplano habang bumabyahe sila pauwi ng Pilipinas. Ayon kasi kay Mang Efren, simula daw ng magkapustiso sya eh hindi na sya nanalo. Ganon din ang mga damit na suot nya, nde na daw nya isinusuot ang mga damit na suot nya pag talo sya.
Napakasimpleng tao ni Mang Efren. Dati kuntento na sya basta makapaglaro lang ng billiards. Hindi na sya naghangad ng higit pa sa mapasaya ang sarili sa paglalaro at magbigay ng karangalan sa bansa.
Isa rin si Mang Efren sa ginawaran ng Times Magazine bilang isa sa mga "powerful people" in Asia, kasama nya rito si dating Pang. Cory Aquino. Hindi makapaniwala si Mang Efren sa karangalang ibinigay sa kanya at hanggang sa mismong araw ng parangal ay hindi pa rin nya makapaniwalaang kasama nga sya sa listahang ito ng Times Magazine. Sabi nga niya, wala naman daw syang ginawa na nakapagpabago ng Asia. Siguro hanggang sa ngayon ay hindi pa alam ni Mang Efren kung gaano kalaki ang impluwensya nya para seryosohin ng mga Pilipino ang larong billiards. Bago kasi, basketball sa kanto lang ang libangan ng mga kabataan noon.
Hindi man sya totoong magikero pero parang magic na napukaw ni Mang Efren ang paghanga ng bawat Pilipino. At marahil higit sa magic ng mga tira nya, higit akong humanga sa magic ng puso nya! Walang katulad!
Tumanda man sya at maging palyado, nakaukit na sa puso ng bawat Pilipino ang kabutihan ng puso ni Mang Efren.
Magic!
1 comment:
very well written, sana mabasa ito ni efren bata
:)
Post a Comment