Sunday, December 25, 2011

Maligayang Pasko!

“Tuwing sasapit ang Pasko,
Namimili ang mommy ko
Ng mga panregalo
Para sa araw ng Pasko.

At itong aking daddy
Gumagawa ng Christmas tree
Sasabitan ko naman ng mga laruan ang mga kendi
Na iba’t ibang kulay”


Mahilig akong sumama sa pangangaroling nu’ng bata ako kahit ayaw akong payagan ng pamilya ko, takot na kasi silang mawala ulit ako kaya bawal na ang lumabas ‘pag gabi. Bukod sa pamosong Sa may Bahay, paborito ko ding kantahin ang Tuwing Sasapit ang Pasko na hanggang sa ngayon ay hindi ko alam kung yan nga ang pamagat ng kantang yan.

Simple lang naman ang mga kailangan sa pangangaroling – lata ng gatas na walang laman, plastic ng bigas, at goma meron na kaming tambol, pinitpit na tansan at alambre para maging tamborin at ang mala-anghel na tinig ng mga kasama ko pwede na kaming mangaroling. Mga pinsan kong lalaki ang lagi kong kasama para mabilis magsitakbo ‘pag hinabol kami ng aso. Matapos ang isang gabing pagkanta at pag-iwas sa mga aso, masaya naming paghahatian ang aming napangarolingan. Simpleng buhay, masaya yan ang buhay ng bata.

Nu’ng bata ako, minamadali ko ang pagtanda. Gusto ko ng magtrabaho, ayoko ng mag-aral. Gusto ko na ang mag-heels ayoko na ang school shoes. Gusto ko na ang shoulder bag ayoko ng magback pack. Gusto ko ng tumanda, ayoko ng maging bata!

Pasko na naman, muli kong narinig ang mga batang nangangaroling. Naaalala ko na naman ang simple pero masayang buhay bata. Ngayon ko naiisip, hindi pala dapat minamadali ang pagtanda kasi minsan lang talaga tayo magiging bata. Sana pwedeng iwan ang pagiging matanda at bumalik sa pagkabata.

Sana pwedeng bumalik sa panahon na ang pinakamasarap na pagkain ay spaghetti at fried chicken, pinakamasarap na drinks ay yakult at ang pinakamasarap na panghimagas ay jellyace.

Sana kaya kong bumalik sa panahon na ang paglilibang ay paglalaro ng siyato, patintero, luksong baka at tumbang preso – libre walang bayad.

Bumalik sa panahon na ang mansanas (Apple) ay nasa hapag at masarap na rekado sa fruit salad, at ang duhat (Blackberry) ay masarap ikalog sa asin.

Bumalik sa panahon na ang tanging alam mo lang ay a-ba-ka-da at multiplication table at wala kang pakialam kung ito lang ang alam mo dahil ito lang ang importante sayo. Mas gusto mo ang tsokolate kesa pera kasi nde naman nakakain ang pera.

Matanda na nga ako, nagiging kumplikado na ang bawat problemang nakakasalubong sa paglipas ng bawat araw kaya mas lalo kong ginugustong maging bata na ang tanging problema ay math problem na lagi namang may solution sabi ni teacher.

Simple, payak, kuntento at masaya yan ang buhay ng isang 8-taong gulang na bata.

Ang Pasko nga daw ay para sa mga bata, sana maalala ako ng ninong at ninang ko. :)

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Friday, December 9, 2011

My Heart's Psalm

I’ve been searching for quite sometime
A lot had happened deep within me
Things have changed and can’t deny
Embossed in my heart and it made me cry.

It’s been awhile since I’m away
Loving the things that I play
Like a sheep gone astray
Longing for You to keep me stay!

You know my every breath
Turned me right when I am left
I can’t fathom how much You love me
All I know is I need it more so badly.

I can feel Your embrace when I am weak
Keeps me secured and warm week after week
Just hold me tight and never let go
I need You Jesus, I need You even more!

Tuesday, November 1, 2011

LaBiStoRi

Kamusta ka na? Pasensya ka na kung… m..m- medyo matagal bago ko nagkaro’n ng lakas ng loob para makipagkita ulit sayo. Hinanap kita, pero wala ka na pala dun sa dati nating kumpanya. Ang dami nang nangyari sa atin, medyo nawala ako sa sirkulasyon. Nagpalipat lipat ako ng trabaho, hanggang ngayon kasi hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang gusto ko.

Naalala ko pa yung mga kulitan natin sa office, yung mga kwentuhang hindi nauubos.. Ang daldal mo kasi, lagi kang maraming nasasabi. Nakakatawa ka.

“Bakit ba kasi ayaw mo pang mag-asawa? Ayaw mo ba talagang mag-asawa o takot ka lang? Na-trauma ka ba sa huling relasyon mo?”

“Ewan ko sayo She! Basta ayoko lang. Ayoko lang siguro nang may inaalagaan.”

“Hindi lang naman ikaw ang mag-aalaga, aalagaan ka din. Ayaw mo talaga?”

“Ang kulit! Kumain ka na nga lang.”


Ikaw na ata yung pinakamakulit na nakilala ko. Lagi mong pinipilit yung mga reasoning mo. Napakahirap magpaliwanag sayo. Hindi pwedeng “oo” o “hindi” lang ang sagot kasi lagi kang may bakit. Bakit, bakit at walang katapusang bakit.

“O, late ka na naman.”

“Oo eh, wag ka nang maingay.”

“Bakit kasi late ka na naman?”

“Para namang bago ka ng bago sa ‘kin eh lagi naman akong late.hehehe”

“Hay naku Mr. De Guzman!”


“Sssshhh!”

Simula palang nu’ng unang araw na magkakilala tayo marami ka nang kwento. Kung minsan nga gusto ko nang takpan ang bibig mo para huminto ka magsalita. Ewan ko ba, pero parang lahat ng tao sa opisina kakilala mo at lahat kinakausap mo. Hindi ka napapagod magsalita.

Siguro sadya lang talagang masayahin ka, kasi kahit may problema ka ganon ka pa rin. Madaldal. Laging masaya. Saan ka nga ba kumukuha ng enerhiya at tila parang hindi ka napapagod?

Matagal tagal na din nung umalis ako sa kumpanyan natin. Pero kahit umalis na ‘ko, hindi pa rin ako nakakawala sa alaala mo. Hindi ko makalimutan yung mga masasayang alaala kasama ka, hin..ndi kita makalimutan. Naduwag lang akong aminin sayo kung ano yung tunay na damdamin ko. Natakot ako, baka mawala ka. Isa pa, alam ko namang happy ang lovelife mo, ayoko nang manggulo pa. Kaya mas minabuti kong umalis na lang nang hindi nagpapaalam. Mahirap, at hanggang ngayon nahihirapan pa rin ako.

“Ayaw mo pa rin bang mag-asawa?”

“Heto na naman tayo…”

“Sige na..”

“Alam ko naman magbabago pa yun. Siguro in the future, pero sa ngayon ayoko pa rin. Ayoko pa rin sa responsibilidad.”

“Alam mo, ‘pag dumating yung panahon na yun,sobra siguro kong maiinggit sa babaeng mapapangasawa mo. Kasi alam kong merong kakaiba sa kanya na hindi mo nakita sa ‘kin o kahit kaninong babae ngayon.”

“Sus! Ang arte!”

“Pa’no pala kung ikaw yung one great love ko? Pa’no pala kung ako talaga yung itinakda para sayo? Eh diba ang sabi minsan lang daw ang one great love?”

“Seryoso?!”

“Hehehe.. joke lang. Eto naman hindi mabiro. Oo na, ayaw mo nga ng commitment diba?.”


Matagal akong walang balita sa’yo. Ang alam ko lang magagalit ka dahil umalis ako nang walang paalam. Pasensya na kung hindi ko na naisip ang mga bagay na yun, gusto ko lang kumawala at hanapin kung ano ba talaga ang gusto ko. Naiinggit nga ako sa’yo, kasi alam mo kung ano talaga ang gusto mo sa buhay.

“Meron ka bang isang ultimate dream? Yung tipong gustung-gusto mong gawin simula palang nu’ng bata ka?”

“Ako? Wala. Hanggang ngayon nga hindi ko pa alam kung ano talaga gusto ko eh. Hehe.. Bakit?”

“Wala naman, meron kasi akong gustong gawin dati pa. Gusto ko ulit mag-aral. Gusto kong mag Law school. Pero hindi ko alam kung tama pa bang ituloy ko. Baka matanda na ko para sa pangarap na yun.”

“Alam mo, nakakainggit ka. Natutuwa ko sa mga taong alam nila kung ano yung gusto nilang gawin. Kung gusto mo talaga eh di gawin mo. Go!”


Nagpalit ka na din pala nang number at ayan nagpalit ka na din pala ng apelyido. Siguro nga tama lang na umalis ako nun, hindi ko rin kasi kakayanin na makita kang masaya sa piling ng iba. Hindi ko ata kayang makita kang masaya habang ako, wasak ang puso. Ang corny ko na, pasensya ka na.

Hindi ko alam kung nagawa ko na, pero gusto ko lang din magpasalamat sa’yo. Salamat sa lahat. Sa mga panahong kailangan ko ng kaibigan, nandyan ka. Salamat sa pagdamay mo sa mga panahong may problema ko. Salamat na palagi kang nasa tabi ko pag kailangan kita. Patawarin mo ako kung bigla na lang kitang iniwan sa ere. Hindi ko naman kasi alam na mahuhulog ang loob ko sayo. Hindi ko inasahang mamahalin kita ng sobra. Pinangunahan ako ng kaba at takot. Sorry kung ngayon lang, alam ko huli na ang lahat. Wala nang saysay kung anuman ang sabihin ko sayo. Gusto ko lang ilabas yung damdamin kong ilang dekada ko nang itinago. Mahal na mahal kita She!

“Excuse me po tatang, kaibigan po kayo ni mommy?”

“Ah, oo. Kaibigan nya ko. Anak ka nya?”

“Opo. David po.”

“David?”

“Sabi ni mommy para sa kanya everlasting love daw ang ibig sabihin ng pangalan ko. Galing daw po kasi sa one great love nya yung pangalan ko. Lagi nyang kinukwento yung taong yun. Dati nyang ka-opisina. Sabi nya sa ‘kin, minsan lang daw darating ang espesyal na pag-ibig at pag naramdaman ko na daw ito wag ko na daw pakakawalan kasi wala nang kasunod yun.”

“Ha? N-n-nasan ang daddy mo?”

“Matagal nang patay si daddy. Naaksidente sya nung 3 years old ako. Alam ni daddy ang tungkol sa one great love ni mommy. Tanggap nyang hindi sya ang magpapasaya kay mommy ng buong buo. Pero sabi ni mommy walang katulad daw ang pagmamahal sa kanya ni daddy.”

“Sorry to hear that.”

“Ok lang po. Ngayon ko lang po kayo nakitang dumalaw sa puntod ng mommy ko. Ano po pala ang pangalan nyo?”

“David.. David De Guzman, dating officemate ng mommy mo.”



~The End~

Wednesday, August 10, 2011

K-a-b-a-o-n-g

madeline (guest): hindi ito kailangan ng gumawa nito. hindi rin ito kailangan ng bumili nito. Ang gumagamit naman nito ay walang kamalay-malay na ginagamit na niya ito.

Ito yung tanong ni madz sa QB sa chatroll kahapon. Leading ang team BEBEPATO. Natetense ako habang tinatayp ang sagot sa tanong ni madz. K-a-b-a-o-n-g enter! Ayaw. K-a-b-a-o-n-g enter! Ayaw pa din. C-o-f-f-i-n enter! Biglang nawala ang chatroll. Sa sobrang tense, dahil house and lot ata ang premyo sa QB ni madz, naisip kong itext sila tong at PaQ nang bigla kong maalala na wala pala akong cellphone number nilang dalawa. Kaya naisip kong i-message na lang si PaQ sa FB.

Pero dumoble ang tensyon ko nang isang officemate ang tumayo at nagsabing “uy wala na daw si Amber” habang nagpipigil ng luha. Natigil ang lahat. Tumigil na din ako kaka-refresh ng chatroll at naisip ko ang kabaong.

Anak ng officemate ko si Amber, apat na taon palang sya. Bibo, malusog at magandang bata. Nasa prep na sya ngayon sa Notre. At dahil unang beses mag-aaral, excited pareho si Amber at ang mommy nya, yung officemate ko, at palagay ko pati ako. Lagi ko kasing tinatanong ang officemate ko kung meron na syang picture ni Amber na naka-uniform. Ganon kasi ako sa mga pamangkin ko at natutuwa talaga ako sa mga bata na nagsisimula ng mag-aral at naka-uniporme na. Kaya lang lagi nyang nalilimutan, kaya hanggang ngayon hindi ko pa nakikita si Amber na naka-uniform.

Dengue ang ikinamatay ni Amber. Halos araw-araw nang nasa balita ang notorious na dengue na animo’y naging epidemya na. Bawat baryo o lugar ata ngayon sa Pilipinas ay may kaso ng dengue. Si Amber ang kauna-unahang kakilala ko na namatay sa dengue. May mga officemates din ako na na-dengue ang mga anak pero naging ok naman. Kahit ang kuya ko na minsan ding na-confine dahil sa dengue eh gumaling din naman. Kaya nalulungkot talaga ako para kay Amber.

Hanggang kagabi iniisip ko ang kabaong, kung pumasok ba sa chatroll ang sagot ko o nakita na kaya ni PaQ ang message ko.

Kabaong. Marami ang takot sa usaping kabaong. Kadikit nito kasi ang usapin ng kamatayan, at palagay ko marami pa rin ang hindi pa masyadong kumportableng pag-usapan ang ganitong bagay. Hindi ko alam kung takot ba tayong mamamatay o takot tayong maiwan ang mga kayamanan. Lels Sabi nga ni j.kulisap masyado daw kasing close ang bonding ng Filipino families at emosyonal kaya parang mahirap ang bumitiw. At talaga namang nagpapalungkot sa atin maisip palang natin na may mamamatay sa mga kaibigan, kakilala o kamag-anak natin.

Pero kung iisipin, araw-araw ay 50-50 lagi ang tsansa natin para mabuhay o di kaya ay mamatay. Kung sa umaga dumilat pa ang mata mo, congrats! Kung natapos ang araw na may hininga ka pa, winner! Walang sinuman ang makapagsasabi kung hanggang kailan na lang ang buhay ng isang tao. Hindi kasi natin kontrolado ang mga pangyayari at hindi natin hawak ang buhay natin. Sabi nga, pahiram lang ang buhay na meron tayo, nasa Kanya na kung kailan Nya babawiin.

Hindi naman dapat katakutan ang usapin ng kamatayan, dahil katulad ng monthly period ng mga babae, darating at darating tayo dun. Una-unahan lang kumbaga. Ang tanong, handa ka na ba? Ano bang buhay ang maikukwento mo sa Kanya?

Let’s live each day as if it is our last day on earth. Live it well. Live it wisely. Live it for the King!

Bye Amber, thanks for the hugs and kisses... salamat sa pagkembot! 'til we met again!



Monday, August 1, 2011

The sheperd boy

Nasa ikatlong baitang ako nu’ng gawin namin ang stage play na “The sheperd boy who cried wolf”. Ito yung kwento nung isang batang pastol na para hindi mainip eh nagsisisigaw ng “Wolf! Wolf! Wolf!” at matataranta ang mga taga baryo para saklolohan sya. Cool diba?

There once was a shepherd boy who was bored
as he sat on the hillside watching the village sheep.
To amuse himself he took a great breath and sang out,
"Wolf! Wolf! The Wolf is chasing the sheep!"


Pinakabisado sa buong klase yung buong kwento ng dulang ito at pipili ang aming guro kung sino ang isasali sa palabas. Dahil hilig kong sumali sa mga extra curricular activities nu’ng bata ako, buong puso kong sinaulo ang dula. Binibigkas ko sya habang naglalampaso ng sahig, habang naglalaba ng lampin ng bagong silang kong kapatid, habang naghuhugas ng pinggan at habang nasa trono para lang matiyak na kabisado ko na nga buong piece.

Later, the boy sang out again,
"Wolf! Wolf! The wolf is chasing the sheep!"
To his naughty delight, he watched the villagers
run up the hill to help him drive the wolf away.


Dumating ang araw ng paghuhukom at isa-isa naming ni-recite ang kwento ng “The shepherd boy who cried wolf”. Labing-lima ang kailangan para sa cast ng dulang ito. At yehey naman dahil kasama ako sa casting! Asteeg!

Later, he saw a REAL wolf prowling about his flock.
Alarmed, he leaped to his feet and sang out
as loudly as he could, "Wolf! Wolf!"


Sa haba nang kinabisado ko, wala ni isa man lang sa mga salita ng “The shepherd boy who cried wolf” ang nasabi ko sa buong palabas. Labing-lima ang tauhan, 1 batang pastol, 9 na tao sa baryo, 1 asong gubat at 4 na tupa. Oo tama ka, isa nga akong tupa na walang ibang dialogue kundi “meee-mee-meee”. Pero infairness maganda ang costume namin, mabalahibo. 

We'll help you look for the lost sheep in the morning," he said,
putting his arm around the youth,
"Nobody believes a liar...even when he is telling the truth!"


Muling nanumbalik sa alaala ko ang dulang ito noong nakaraang linggo. Matapos kasi ang SONA ni PNoy ay napabalita namang isinugod sa hospital ang dating Pangulong Arroyo dahil sa stiff neck este “pinched nerve” pala. Kung minsan ‘pag nasanay na ang mga tao sa mga pagsisinungaling mo, mahirap na para sa kanila ang maniwala ulit. Mahirap na maibalik kapag tiwala na ang nawala.

Nalulungkot lang ako para kay GMA, na dahil sa mga ginawa nya noon, hirap na ang mga Pilipinong paniwalaan sya kahit pa buwis-buhay na ang eksena nya. Ito marahil ang kabayaran para sa mga taong mas pinili ang kalikuan kesa matuwid na daan. Ang aral ng “The shepherd boy who cried wolf” ay tumatak sa isip ko at talagang hindi ko malilimutan lalo na ang dialogue ko. (Hirap nun nakakatuyo ng lalamunan, try nyo!)

VOICE Lesson 3: Truth and Honesty

Mabuting asal ay sisikapin,
Pagiging totoo ay gagawin
Ginawa ako ng Diyos na katangi-tangi
Lahat ng nais Niya ay ikabubuti
Nasa Diyos lamang ang pag-asa
At ako ay kakasiyahan Niya!


(Ako na ang values teacher!)

Friday, July 29, 2011

Pigil na mga Luha

(ang blog entry po na ito ay pakiki-emo kay iyah_kin at pagtugon sa kanyang trip, ano man ang pagkakahawig sa mga tunay na pangyayari ito ay nagkataon lamang at hindi sinasadya... lels)

Sa tuwing kasama ka hindi pwedeng ako’y kimi
Sapagkat puso’t labi ko ay laging nakangiti
Puso’y lumulukso at sadyang hindi mapakali
Pag-ibig ko sayo’y hindi na nga maikukubli.

Ikaw ang pangarap na matagal ko nang minimithi
Tugon sa aking panalanging sa labi’y namutawi
Dahil sayo ako ngayon ay buo
Pagmamahal ko ang siyang pumuno.

Mahal”, ang sabi mo isang gabi,
Ikaw lamang ang mamahalin,
Wala nang iba akong iibigin
.”
Sa misis mong abot tenga ang ngiti!

Parang sinaksak ng tabak ang puso kong luhaan
Gusto kong mag-amok para sakit ay maibsan
Na habang kayo’y masaya sa piling ng isa’t isa
Ako’y nasa isang sulok, pigil ang mga luha.

Thursday, July 21, 2011

Atty. Magtanggol

Matagal din akong nagnasa sayo, akala ko nakalimutan na kita dahil naging busy na ako sa Masteral ko. Totoo nga ang mga kwentong barbero, mahirap ang lumimot.

Ilang taon na din ang nagdaan, hindi na kita naiisip. Hindi na ko nagpapakabaliw sayo. Hindi na ko search ng search sa internet na parang stalker. Masaya naman na ako sa mga bagong pinagkakaabalahan ko. Nakalimutan na kita... Akala ko.

Maayos naman na ako, pero bakit muli mo na namang ginugulo ang isip ko? Nahahati ang puso ko sa ano ang dapat na gawin ko. Manghihinayang ba ako kung hindi ako susubok? Pagsisisihan ko ba kung sumugal ako sayo? Bakit ba hirap akong limutin ka?

Kaninang umaga lang, naiisip na naman kita. Magkahalong saya at kaba ang naramdaman ko. Muntik pa nga akong lumampas sa bababaang kalsada kakaisip sayo. Ano na naman ba ang nakain at muli’y nagbabalik ka?

Nae-excite ako isipin ko palang na makakasama kita, mga plano at gagawing kasama ka. Pero natatakot ako baka hindi rin naman magtagal at mabigo lang din ako. Mula sa malayo, parang ang saya. Pero pag lumapit na, nakakakaba at halos lumukso palabas ng rib cage ang puso ko.

Alam kong hindi na ganon kadali ang sitwasyon ko sa ngayon. Hindi na basta ginusto ko eh magagawa ko na. Marami na ang nagbago simula nu’ng unang araw na gumising akong gusto na kita. Sana noon pa pala, sumugal na ako. Sana noon pa sumubok na ako nang hindi ko nararamdaman ang ganito ngayon.

Hindi ko na alam kung ipagpapatuloy ko pa ang pagnanasang dati’y suma-akin na ngayo’y heto't nagbabalik. Aabutin na ba kita ngayon o mananatili ka na lang pangrap na tatanawin mula sa malayo? Isang pangarap na habambuhay na kukutkot sa isipan ko?

Case dismissed.

Saturday, July 16, 2011

Para kay J.K (Drooling)


Sabay-sabay ang mid-year sale, talagang sinasadya at isinabay sa sahod ng mga ordinaryong manggagawang madaling matukso sa 50% off on all items. Kahit hindi naman kailangan eh paniguradong bibilhin “naka-sale kasi eh” ang isasagot pa sayo. Nakatipid nga ba siya?

Pero hindi naman talaga tungkol dyan ang kwento ko. Sumabay pa sa mga mega-sale nay an ang last and final installment ng Harry Potter ni J.K Rowling. Inabot ng halos labing-isang taon ang pagbuo sa pitong libro ng Harry Potter. Uber talaga sa dami ng adik sa HP at talagang magugulat ka sa haba ng mga pila sa sinehan. Kaya nakakahilo ang dami ng tao ngayon sa mga shopping malls. Kasunod nyan ang napakatraffic na lansangan. Sumakit ang pwet ko sa tagal ng byahe.

Pero hindi naman talaga tungkol dyan ang totoong kwento ko. Kanina, hindi sinasadyang (oo totoo, hindi talaga sinasadya) mapadaan ako sa MOA. ‘pag tapos kasing maglaba, naisip kong bumili ng scramble sa MOA, masarap daw kasi ang scramble dun, may yelo at asukal kaya sinubukan ko. Hindi ko alam (oo totoo, hindi ko rin alam) na meron palang pagtitipon na nagaganap sa Max’s Restaurant sa bandang sulok, sa loob-looban ng restaurant. Sa dulong mesa, may kumpulan ng mga pamilyar na katauhan.

Masaya ang simpleng salu-salo at puno ng katatawanang kwentuhan. Nakilala ko ang mukha sa likod ng ilang kwentong nababasa ko sa blogospero. Mas makulit pa pala sila sa “live chat” kesa sa chatroll. Nakita ko na rin at nakamayan sa wakas ang kauna-unahang blogger na sinubaybayan ko sa loob ng ilang taon. Suma total, hindi ko talaga inaasahan ang pangyayaring ito. :)

At syempre, unang beses kong makasama si J.K sa ganitong pagtitipon. Kaya para kay J.K, maraming salamat mula kay Bebejho! Salamat din sa libro! :)

(pramis, hindi ko talaga alam 'to. wala kong ideya na may ganito palang pagtitipon. ni hindi ko nga napaghandaan ito.. napadaan lang talaga ako....)

Wednesday, July 6, 2011

Teacher

During my childhood years, I really wanted to be a dentist. I just thought that having beautiful and complete teeth (naks!) will make me a good dentist. I imagined myself then wearing a perfect white dentist uniform with my super high-tech dental chair, dental mirror and a mask in my face – presto! I am a dentist…. in my dreams! And I am responsible in giving you a “no more, no less… only teeth that shine” smile! My desire to be a dentist was really intense then, maybe because all of my childhood friends wanted to be a teacher, so to make a difference, I wanted to be a dentist. Unlike them, being a teacher as a profession never entered in my neurons. Not because I regard the profession lesser than a dentist but I’m afraid of the responsibility attached to it, hence, I don’t want to be a teacher! :)

Isang nakakaantok na tanghali,
Kalaro 1: Hoy laro naman tayo.
Kalaro 2: Sige, tara ayain natin sila Menggay at Gelay!
Gelay: Ok, sige tara punta tayo kina Bebejho!
Mga Kalaro: Bebejho! Bebejho! Laro tayo!
Bebejho!: Tara! Anong laro ba? Piko tayo!
Gelay: Mainit pa eh.
Menggay: Oo nga, saka nde ko dala yung pamato ko sa piko, swerte un eh.
Kalaro 1 & 2: Eh di mag-aral-aralan na lang tayo!
Mga kalaro: Tama! Ikaw na lang ang teacher Bebejho!
Bebejho!: lels


But just like any other child, that childhood dream eventually changed. In my high school years, I’ve been busy being a sports news writer for our school paper “The Breeze” and in later years being a Logistics Officer (G4) of CAT. The intensity of being a dentist had its natural death and my heart wanted me to be a ringside sportscaster in PBA instead. It was during these years when I became so fascinated with sports, from basketball to bowling to billiards to boxing to athletics to chess to swimming to OTB (sports ba to?). Although I had this interest when I was young I think the peak was during my high school years. I took every opportunity to develop my sports writing style, watched other sports analyst and learned technical terms used in different sports. Sometimes I’m practicing my sports casting in front of my mirror. I had this obsession not until my high school graduation. All of a sudden I became confused of what I really want. But even during those confusions being a teacher was never an option for the same reason still.

Up until now, I still don’t want to be a teacher eventhough I had some orientation in teaching. I’m still afraid of the responsibility of being a teacher. Henry Adams once said that, “a teacher affects eternity, he can never tell where his influence stops”, and I’m afraid of this. For me, this means “making” or “breaking” a student’s dream depending of what a teacher may pass on to his/her student. I, being a teacher, may influence them to do well and be of help to chase those dreams or might fail and be cursed by my students all of their lives. Although I believe that success comes to those who really want it, influence of the teachers really has an impact.

Last March I was invited in San Francisco High School to facilitate one of recollection groups of the graduating class. The main objective is not just to encourage, motivate and empower them but also to impart Christian values as they will be more independent after graduation. I handled sections 16 and 17, tough sections really! It was here where I met Jasper. (pre-requisite ang Kuyukot ni Jasper)

Jasper caught my attention at once. He was untidy, with loose-fitting dirty-white polo, busted black shoes, silent and aloof. I don’t know how to approach him, luckily he smiled at me and I just asked him “Kamusta ka?” And we started the recollection.

After that day, I can’t stop thinking about Jasper and the youth of the new generation. Jasper was the VOICE of the struggling Filipino youth who could be an answer to the problem or could be the problem of the society if not properly motivated. How many young Filipinos are in the same situation of Jasper? How many of them chose the same path as Jasper’s or be on the other side and became delinquent? These thoughts really burdened me and found myself thinking of ways how I could help these young people.

For me, high school years are the critical times of a growing individual. It’s during this time where we start drawing our principles and molding our values. And so I thought, to be in-touched with the youth, I should be in school, in high school, helping the youth to draw their principle and mold their values.

Today is my first day as a volunteer Values Teacher of VOICE Phils (Values Orientation In Classroom Education) in San Francisco High School. I am now embracing the responsibility of influencing young people to be a God-fearing, good citizen of this country.

Indeed, our youth today is the only hope of tomorrow. So let’s make a difference in their youthful years!

I still don’t want to be a teacher but I want to be a motivator, influencer, adviser who teaches not just in the head but also in the heart. :)

Saturday, June 18, 2011

Happy Father's Day!

Maliit pa ako nang umalis ng bahay si tatay. Hindi ko pa naiintindihan yun dati, akala ko bibili lang siya ng hikaw gaya ng pangako nya sa ‘kin.

Si Tatay ang malaking impluwensiya ko sa basketball, lalo na sa Ginebra, chess, billiards, isama na din natin pati karera ng kabayo. Siya din ang nagturo sa ‘kin na magmultiply gamit ang sampung daliri. Masaya pa kami nu’n hanggang sa umikot na ang tadhana.

Grade school ako nang tuluyang maghiwalay ang mga magulang ko. Nabawasan na ang nakikisigaw ng “Anejo! Ginebra!” sa loob ng bahay namin. Nawalan na din ng suki si Manong Bobby ng tumataya sa kanya ng ending. Matagal ding nakalimutan ang Happy Father’s Day sa loob ng tahanang binalot ng lungkot at hinagpis. Mahirap.

Sa mahabang panahon, tanging si nanay ang nakasama namin. Siya ang tumayong nanay at tatay para sa aming limang magkakapatid. Nakita ko ang hirap ni nanay, minsan nahuhuli ko s'yang umiiyak. Ramdam ko yung bigat ng responsibilidad na nasa balikat nya ng mga panahong iyon. Pero hindi siya sumuko. Pinilit nyang kayanin ang lahat ng hirap dahil sa pagmamahal nya sa ‘min. Bihirang-bihira akong magkwento nang tungkol kay nanay, kasi hindi ko mahagilap ang mga salitang tutumbas sa mga hirap at kabutihan nya.

Higit ko siyang hinangaan nang bumalik si tatay. Sa tagal nang panahon, alam kong may bahid ng galit pa rin ang puso nya. Sa simula, hindi din nya alam kung ano ang magiging reaksyon, pero nangibabaw pa rin sa kanya ang pagmamahal at pagpapatawad. Tinanggap nya si tatay at katulad ng dati, inalagaan at pinaglingkuran hanggang sa huling araw ni tatay sa mundo.

Hindi man naging matagal ang muli naming pagsasama bilang buong pamilya, masaya na ko dahil natapos ang buhay ni tatay na kami ang kasama, nakapagkwentuhan, at muling nakapanood ng laro ng Ginebra habang nakakabit ang oxygen sa ilong.

Muli mang umalis si tatay pero patuloy naming ipagdiriwang ang Happy Father’s Day para kay nanay na patuloy na nagiging tatay para sa amin.

Kaya para sa'yo 'nay, Happy Father’s Day!

Wednesday, June 15, 2011

Perstaym

Siguro kung tatanungin kita ngayon kung sino ang “first love” mo malamang sa malamang eh masasagot mo ko. Ang pangalan ng una mong guro, ang first dance mo sa JS prom, unang halik, unang pagkabigo, unang kumpanyang pinagtrabahuhan at kung anu-ano pang una sa buhay mo, malamang naaalala mo pa. Sabi nga nila, mahirap makalimutan ang mga unang bagay na ginawa mo gayundin ang mga huling pangyayari sa buhay mo. Pero gusto kong pagtuunan ang mga perstaym. :)

P1,206.75 ang kauna-unahang sahod ko sa buong buhay ko (totoo, pramis!). Malaki na yun no'ng 1999, nagawa ko pa ngang ilibre ang pamilya ko sa halagang 'yan. Unang beses akong nakatapak sa Araneta Coliseum noong nanood ako ng fans day ng Ginebra (syempre!). Masaya ang unang labas ko ng bansa, at ito rin ang unang sakay ko ng eroplano. Kapareho lang ang pakiramdam sa unang sakay ko ng barko. Nakakatawa ang unang lasa ko sa gilbey’s gin, unang beses ko rin malaman na ganon pala ang epekto ng alak sa mata ko, kaya hindi na naulit.

Naging malungkot at masakit sa puso ang unang relasyong napasok ko, akala ko katapusan na ng mundo. Lahat ng kanta naiiyak ako kahit ata Lupang Hinirang damang-dama ko. Totoo nga ang tsismis, stupid ang love!

Noong nakaraang linggo, pinatulan ko ang isang patimpalak sa pagsulat. Unang beses na kinalimutan ko ang takot ng kabiguan at malayang nagpahayag ng saloobin. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin ako kumbinsidong kaya ko ngang magsulat. Isang patimpalak na pauso ni jkulisap ang tuluyan kong sinalihan.

Hindi ako madalas sumulat sa blog, kung minsan aabutin na ng amag bago ako magkaroon ng panibagong entry sa blog ko. Naging daan ang patimpalak ni jkulisap para manumbalik ang sigla ko sa pagsulat kahit ilang saglit lang. Nagkaron akong muli ng interes sa pagsulat at pagba-blog.

May premyo ang patimpalak ni jkulisap, pero sa mga oras na ‘to hindi ko na inaasahan ang manalo (dahil hindi naman talaga ko mananalo). Hindi kasi matutumbasan ng materyal na halaga ang nakuha ko mula sa patimpalak na ito. Ang mga bagong kakilala na nakadaupang palad ko, mga salita na nagbibigay pag-asa, para sa kin sapat nang premyo ito para sa unang subok ko sa pagsali sa isang paligsahan.

Para kay jkulisap, maraming salamat sayo at binuhay mo ang katawang lupa ko este ang diwang malaya ko at dahil sayo perstaym kong narinig ang boses ng matagal ko nang kaibigan sa blogosperyo. Ako na ang winner! :)

Wednesday, June 8, 2011

KM2: Kuyukot ni Jasper

(ang blog entry na ito ay bilang pagtugon sa hamon ni jkulisap, isang hamong sumukat sa aking malayang kamalayan.. subok lang.. game!)
___________

Matagal na panahon na rin nang maukit sa ating kaisipan ang ideyalismo ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal - “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Daan-taon na ang nakalipas, maraming pagbabago na ang kinaharap ng bayan, totoo pa rin kaya ito sa makabagong panahon?

Pasukan na naman, muli kong naisip ang mga kabataan. Ano na ba ang kalagayan ng mga batang Juan Dela Cruz sa kasalukuyang panahon, mga kabataang pinaghuhugutan ng pag-asa ng nangangalumatang Inang bayan?

Nakilala ko si Jasper sa San Francisco High School. Sa edad na 22, sa wakas ay magtatapos na siya ng hayskul. Tubong Siquijor si Jasper, isang lugar sa Pilipinas na nababalutan ng kwentong katatakutan tungkol sa manananggal, mangkukulam at iba pa, lugar na hindi yata uso ang pulut-pukyutan. Iniluwas ng tiyahin si Jasper nang masunog ang bahay kasama ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid. Dahil sa pangyayari, hindi kataka-takang lagi siyang mag-isa, nakatingin sa kawalan, puno ng panibugho sa pagmamahal ng pamilya, lugaming animo’y gustong tumakas sa hagupit ng kapalaran. Apat na taon na s’yang nakikitira sa kanyang tiyahin, ayun sa kanya hindi madali ang makitira sa ibang bahay.

Naikwento ni Jasper ang pasakit na kapalit ng pagtira sa bahay ng maharlikang tiyahin. Sa simula palang, ramdam niyang hindi bukal sa puso ang pagpapatira sa kanya. Sabi nga sa kanya, huwag na daw siyang mag-aral dahil sa utak-dikya, kahit anong pagsusumikap ang gawin ay hindi rin siya magtatagumpay. Animo’y alingawngaw ng kawalang pag-asa ang mga salita ng tiyahin, kung kaya’t para matugunan ang pangangailangan, nagtitinda siya ng basahan pagkatapos ng klase. Hindi alintana ang hirap, lumabas man ang kuyukot, para sa pangarap gagawin ang lahat.

Parang halinghing ng magandang balita ang narinig ko. Nakita ko ang pusong handang sumuong sa lupit at dilim ng yungib ng lipunan para sa pangarap, lumimot sa peklat ng kahapon hindi para tawaging banal kundi upang maging mabuting mamamayan na siyang susi para sa pag-abot sa luwalhati ng pag-unlad na matagal na’ng minimithi.

Sana marami pang Jasper akong makilala, ang piniling mangarap at abutin ang adhika sa kabila ng kakulangan. Isang kabataang tunay na pag-asa ng bayan!

Wednesday, May 18, 2011

Putik at Pag-unlad

Lumaki ako sa panahong kakaunti palang ang sementadong kalsada. Maputik ang daanan papuntang eskwela, papuntang bayan, maging sa mga kapitbahay. Paniguradong bibigat ang magara mong sapatos kapag inabot ka ng ulan sa daan. Ang mga dyip ay makikita lamang sa mga pangunahing lansangan kaya mas madalas lakad talaga ang pangunahing transportasyon.

Mabilis na umusad ang panahon, parang kailan lang ang mga putikang kalsada sa harap ng bahay namin e sementadong kalye na na dinaraanan ng mga pampasaherong sasakyan ngayon. Bibihira na ang makikitang mong naglalakad dahil may tricycle naman na pwedeng sakyan papuntang eswela at dyip papuntang bayan.

Noon naiinis ako kapag umuulan, kasi paniguradong maputik na sapatos na naman ang lilinisin ko pagdating sa bahay. Hassle men! So jologs! Pero ngayon parang hinahanap-hanap ko ang mga maputik na kalsada na tatak ng aking panahon.

Masaya ako nang mapasama ako sa grupo ng Kansurok Mission Team noong 2008, bukod kasi sa ispirtwal na kahalahagan ng pagpunta dun e nanariwa din sa aking alaala ang aking kabataan. Yebah!

Nasa Baranggay Tugos ang Kansurok sa bayan ng Boac, Marinduque. Bago mo marating ang lugar na ito sasakay ka ng barko mula Lucena patungong Cawit, Marinduque. Halos tatlong oras ang mabagal na biyahe sa dagat. ‘pag dating sa Cawit, sasakay ka pa ng tricycle papasok ng magubat na baranggay ng Tugos. Mula rito, lalakad na kami at daraanan sa siyam na ilog na pumaikot sa buong Tugos. Apatnapu’t limang minuto ang gugugulin mo sa paglalakad patungong Kansurok, yun ay kung hindi ka maliligaw at mabilis kang maglakad. :)





Habang naglalakad, naalala ko ang aking kabataan. Nanariwa sa aking isip ang mga maputik na kalsada noong gradeschool ako, ang paglilinis ng maputik na sapatos, ang paglalaro ng tubig baha sa kalye, taguan-pong sa mga puno ng saging at mangga, habulan tuwing hapon, pawisan at amoy-araw na singaw ng katawan pag uwi sa bahay. O yeah, this is the life!

Pangunahing layunin namin sa pagpunta ay para maipahayag at maipakalat ang salita ng Diyos sa kasulok-sulukang bahagi ng Kansurok. Pero sa kondisyon noon ng Kansurok, naiisip din namin na kahit papaano ay maiangat ang antas ng kalidad ng kanilang pamumuhay.

Muli kaming bumalik sa bayan ng Kansurok noong nakaraang linggo. Ito na ang ika-apat na taon namin simula nang umpisahan ang aming misyon sa lugar na ito. Sa loob ng apat na taon, masasabi kong may pagbabago na sa lugar na ito ng Marinduque. Kung noon, kahit yung mga mismong taga Marinduque ay hindi alam kung nasaan ang Kansurok, at least ngayon nadagdagan ang lugar na alam nila sa bayan ng Tugos. Kung noon, siyam na ilog ang dapat tawirin, ngayon eh makakapasok na ang sasakyan dahil tuyo na ang ilog at pinatag na ang gilid ng bundok na syang nagsisilbing daanan papasok ng Kansurok. May pailan-ilang bahagi ng kalsada ang sementado na rin. Para sa akin, malaking pag-unlad na ito para sa isang bayang muntik nang makalimutan ng gobyerno.

Pag-unlad. Progreso. Pag-asenso. Sino ba ang may ayaw sa mga yan? Lahat ata ng pulitiko ito ang ibinabalandra tuwing kampanya. Lahat ng tao, ito ang gusto. Kumakayod araw at gabi para sa pag-asensong pinapangarap. Maging ako, hinihintay ko ang pag-unlad ng Pilipinas.

Masaya ako sa pagbabago sa Kansurok, pero hindi ko maitatago na sa isang bahagi ng puso ko ay may kurot ng lungkot. Kasabay kasi ng pagbabago ay pagkasira ng ilang bahagi ng kalikasan. Natutuyo na ang mga ilog na dati-rati’y kasama naming naglalakad. Nakakamis ang madilim na paligid na tanging alitaptap ang nagsisilbing tanglaw sa daraanan. Meron pa ring kuliglig pero kakaunti na ang mga palaka. Wala na ang mga putik sa kalye at unti-unti nang sumisilip ang pag-unlad. Nakakamis lang talaga ang payak na buhay sa nayon.

Walang masama sa pag-unlad, pero sana kaya nating umunlad nang hindi nasisira ang kalikasan, na hindi kailangang pumutol ng libo-libong puno, o ilog na matutuyo. Sana abutin pa ng mga apo ko ang ganda ng kalikasang pinagkatiwala sa Pilipinas.

Saan pa kaya may putik? (Dora, where’s the map?)

Friday, February 25, 2011

Pilipinas..

Paniguradong naninilaw na naman ang buong bansa dahil sa pagdiriwang at paggunita sa EDSA People Power 1. Bumabaha na naman ng kanya kanyang kuru-kuro at opinion tungkol sa dating pamahalaan at mga naging karanasan nila sa mga panahon na tinuturing na “dark days of the Philippines”.

Dalawampu’t limang taon na nga ang nakalipas nang una nating ipinakita sa buong mundo ang pwersa ng “people power”. Mahigit dalawang dekada na ang lumipas, ano na ba para sa iyo ang diwa ng EDSA?

Mga apat na taon palang ako noong mangyari ang pinagkakapitaganan nating People Power Revolution. Sabi ng marami, ito daw yung panahon na nagsama-sama ang halos lahat ng Pilipino sa EDSA para patalsikin ang diktaduryang Marcos. Kumanta ng "Handog sa Pilipino", nag-alay ng bulaklak sa mga sundalo, sama-samang nanalangin at nagkapit-bisig para sa pagbabago at pag-unlad ng bayan. Walang duda! Kaya pala sobra nating ipinagmamalaki ang nangyari noong February 25, 1986. Dahil naipakita natin sa buong mundo na kaya nating magawa ang isang bagay kung sama-sama. Tama!

Mahigit dalawang dekada na, ganito pa rin ba ang diwa ng EDSA? Natapos na ba ang diwa ng EDSA noong 1986? Isa na nga lang bang gunita at alaala ang diwa ng People Power? Tuwing may ayaw lang ba tayong gobyerno lumalabas ang diwa ng pagkakaisa? Ganito na lang ba kababaw ang diwa ng EDSA?

Matapos ang EDSA Revolution, panigurado nakatingin ang buong mundo sa ating bansa. Nagmamasid at nanunukat kung maisasakatuparan nga ba natin ang pagbabagong isinisigaw natin sa EDSA dalawampu't limang taon na ang nakararaan. Palagay mo, nasan na nga ba ang Pilipinas matapos ang People Power? Masaya ka pa rin bang gunitain ang araw na ito?

Nabasa ko sa isang blog ni Maria Ressa, na halos 36% na lang daw ng mga Pilipino ang naniniwalang tama ang EDSA Revolution. Marahil ang iba sa kanila ay nahinawa na sa paulit-ulit na trahedya at komedyang nararanasan ng ating bansa. May basehan ba ang sagot nila?

Hindi na siguro importanteng balikan ko ang nakaraan dahil panigurado alam nyo nang lahat iyon. Magulo, marumi, marahas at walang konsensya ang panahong iyon, yan malamang ang sasabihin mo. Pero para sa akin, hindi naman siguro tagos sa buto ang karumihan ng gobyerno noon kumpara ngayon. Kung noon, mga Marcos lang at ilang cronies ang corrupt, aba ngayon, buong gobyerno na ang corrupt! Saan ka pa! Nagagalit tayo sa $25B na utang ni Marcos na pinangpagawa ng Heart Center, Lung Center, CCP, San Juanico Bridge, East Avenue Medical Center, LRT at kung anu-ano pang imprastraktura pero ok lang sa atin ang milyon-milyong kinurakot at kinukurakot ng marami nating pulitiko at patuloy na pangungutang para sa mga kunya-kunyariang proyekto ng gobyerno. Nagagalit tayo ng taos-puso sa mga kaliwa't kanang human rights violation nung panahon ng Martial Law pero half-hearted pa ang ilan sa Ampatuan Massacre at ilang pagpatay sa mga mamamahayag. Nakafreeze na ang lahat ng ari-arian ng mga Marcoses para ibalik sa mga nasamantala noong panahon nya. Naging masama ang gobyernong iyon, at patuloy pa rin ang kasamaan sa ating pamahalaan. Palagay nyo, may nagbago ba sa Pilipinas matapos ang dalawampu't limang taon?

Sa palagay ko, ang patuloy na paglingon at pagsisi sa nakaraang pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi kahit konti nakausad ang bansang Pilipinas. Hindi ako pro o anti sa kung kanino mang pamamahala, ang sa akin lang, mananatili ba tayo sa nakaraan? Lahat ba ng mali sa ngayon ay isisisi natin sa nakaraan? Hindi ba sapat na nakita natin ang kamalian at marami pang panahon para itama ang mga ito?

Unti-unti nang nawawala ang glorya ng EDSA Revolution, ang tanging nagbibigay sa atin ng karangalan bilang isang nasyon. Huwag na sana nating antayin pa na tuluyan nang mawala ang ningning ng pagkakaisa. Sana hindi natatapos ang pagdiriwang ng People Power, dahil para sa akin ang "people power" ay pagkakaisa para sa pag-unlad at pagbabago at hindi para magpagamit sa mga pulitiko. Hindi lang para patalsikin sa pwesto ang mga ayaw natin, kundi tulungan ang gobyerno para ang Pilipinas ay paunlarin. Bakit hindi natin iangat ang pakahulugan ng "people power" sa ibang level? Bakit hindi tayo magkaisa na sumunod sa batas trapiko? Bakit hindi tayo magkaisang linisin ang pamayanan? Bakit hindi tayo magkaisang tumawid sa tamang tawiran at sumunod sa batas? Ang diwa ng EDSA ay hindi lang para sa welga at rally, para din ito sa araw-araw na buhay Pilipino.

Hanggang kailan mamumuhay ang galit sa puso mo? Hindi ka pa ba nabibigatan sa pagdala ng ngitngit at galit sa loob ng dalawampu't limang taon? Talaga bang mahirap magpatawad? Sana ay hindi, dahil ang pag-usad ay makakamit lamang kung hahayaan na natin ang nakaraan at patuloy na harapin ang ngayon at bukas. Gumugulong na ang hustisya, palayain na natin ang ating bansa sa poot at galit para sabay-sabay tayong makausad at mahakbang man lang kahit isa. Dahil sa bandang huli, ang Pilipinas at tayong mga mamamayan nito ang magpapasan ng hirap.

Magta-tatlumpu na ako at hanggang sa ngayon dala ko pa din ang ideyalismo na kaya nating baguhin ang Pilipinas kung sama-sama at nagkakaisa. Sana sama-sama tayong baguhin kung alin man sa tingin ninyo ang mali sa ating mga gawi. Magkapit-bisig tayong muli para tulungan makaahon ang bansang Pilipinas! Patunayan nating hindi tayo nagkamali sa paglulunsad ng People Power at hindi natin kailangan ng batas-militar para sumunod sa batas.

Tara na, huwag nang pakipot! Let's get it on!

Wednesday, February 9, 2011

Sino Ka?

Natanong mo na ba sa sarili mo kung "sino ka?" Sino ka para sa mga kaibigan, ka-opisina, pamilya at para sa ibang tao? Importante ba para sayo kung ano ang tingin o pagkakakilala sayo ng iba?

Nagtanong ako sa ilang kaibigan kung ano nga ba ang pagkakakilala nila sa akin. Nu'ng una ay natawa sila at inakalang nagbibiro ako, pero makalipas ang ilang pagpipilit eh pumayag na rin sila at sinakyan ang kalokohan ko.

Narito ang ilan sa mga sagot nila:

ikaw yung taong hindi nagpapatalo
ipaglalaban ang alam mong tama
malakas kang mang-asar pero pikon naman
bully!
always willing to help (ehem)
masayang kasama (ehem ulit)
makulit at madaldal
bubbly...


'yan yung ilan sa mga nakuha kong sagot mula sa kanila. Ang ilan ay positibo at meron ding negatibo,ang ilan hindi ko akalaing ganon pala ako para sa kanila. Totoong hindi lahat ng tao eh magugustuhan ka o matutuwa sa lahat ng ginagawa mo. Hindi lahat sila ila-like ang lahat ng status mo sa facebook. Pero gaano nga ba kahalaga para sayo ang tingin sayo ng iba? Kapantay ba ng langit ang reputasyon mo sa lupa? Makatarungan bang kunin ang sariling buhay dahil nadungisan na ang iyong reputasyon na ilang taon mong binuno at iningatan?

Sa totoo lang, medyo maramdamin din ako lalo na kapag patungkol na sa pagkatao ko ang pinag uusapan. Kung minsan matagal bago mawala sa isip ko kapag nakarinig ako ng negatibong komento mula sa iba. Nalulungkot ako minsan dahil alam ko hindi nga lahat ng tao eh alam na kung sino ako, pero hindi ko naman naiisipang magpakamatay dahil dito. Naranasan ko na din ang mapagbintangan sa isang bagay na hindi ko naman ginawa at tuluyang makasira sa pangalan ng aking pamilya. Pero hindi ko pa rin naging "option" ang magpakamatay kahit na mas masaya pa siguro kung patay ka na nga lang at tapusin na lang ang panghuhusga ng ibang tao. Kung minsan totoong nakapanghihina at nakakababa ng moralidad ang naririnig mo sa iba lalo na kung patungkol sa pagkatao mo at mga gawi mo. At higit sigurong masakit kapag nadadamay na pati ang pamilya mo.

Siguro nga iba-iba ang pagtanggap natin sa bawat sitwasyong meron tayo. Iba-iba ang reaksyon natin sa mga pangyayaring dumadating sa buhay natin. Sabi nga gahibla lang daw ng buhok ang pagitan ng katinuan at kabaliwan depende kung gaano ang pagtanggap mo sa mga sitwasyon.

Para sa akin, hindi mo dapat hayaang maapektuhan ng mga komento ng iba o ng mga nasasabi ng iba ang pagkatao mo. Hindi madaling basta na lang tanggapin ang lahat ng paratang na ibabato ng mga tao sayo. Pero palagay ko, mas hindi tamang wakasan ang sariling buhay dahil lang sa mga bintang at paratang na ibinabato sayo ng taumbayan. Para sa akin, hindi sagot ang pagpapakamatay para linisin ang nadungisan mong pangalan. Hindi ko matatawag na “extreme courage” ang pagtakas sa responsibilidad na magbigay ng katarungan sa sugat na patuloy na pinaghihilom. Dahil kung talagang matapang ka, haharapin mo ang sitwasyon, ipaglalaban ang reputasyon mo at ipagtatanggol kung sino ka dahil wala namang ibang gagawa ng ganon kundi ikaw. At sa ganitong sitwasyon, ang sarili mo ang kontrolado mo at wala ka na talagang magagawa sa sasabihin ng iba.

Para sa akin, hindi na siguro masyadong mahalaga kung ano ang tingin ng iba sa akin. Kung minsan kasi, napipilitan kang mamuhay ayon sa inaasahan ng iba sayo. Gusto kong isabuhay kung sino ako. Higit kong pinapahalagahan kung sino ako sa mata ng Diyos, may tao mang nakamasid o wala.

Mas maige na siguro ang malinis na kunsensya kesa malinis na pangalan, dahil sa huli ang malinis ang puso ang huhusgahan.

Saturday, February 5, 2011

Kill Joy!

Biyernes na naman! Yehey! Uuwi ako sa min!

Nakagawian ko na ata ang manita ng mga driver na hindi marunong umintindi ng babala sa harap mismo ng kanilang manibela - "Bawal manigarilyo!" in english "No smoking!". Hindi ko alam kung hindi talaga sila marunong bumasa o sadyang baliktad lang talaga ang intindi nating mga Pilipino sa mga babala. Kung san kasi may nakalagay na bawal, doon ginagawa ang mga bagay-bagay! Hoy! Pinoy ako!

Oo kuya alam ko, ang KJ-KJ ko! Siguro kung tinatandaan nyo lang ang mukha ko, hindi nyo na ko pasasakayin sa jeep nyo. Alam ko ang kasiyahang naidudulot ng paghithit ng sigarilyo para kay manong driver, kay kuyang magtataho at sayo batang kolehiyala. Pero sana naman isipin nyo din ang mga taong hindi nag-eenjoy sa usok na ibinubuga ng inyong mga bibig. Ang sarap pa naman ng dampi ng malamig na hangin mula sa bintana ng bulok na jeep ni manong driver,tapos bigla kang makakaamoy ng usok ng sigarilyo! Ang KJ nyo men!

Manong driver: (magsisindi ng sigarilyo, hihithit ng isang beses)
Bebejho!: Manong diba po bawal manigarilyo (sabay turo sa nakapaskil sa harap ni manong driver)
Manong driver: (Susunod naman pero matapos ang..) %*%@#*& Sayang naman tong... &%$#*&^! &%#)&^%% (murmuring til fade!)
Bebejho!: Para na ho sa tabi!


Bakit nga ba kapag ginagawa mo ang tama, parang ang kill-joy, kill-joy mo? Hindi na nga ba masaya ang gumawa ng tama? Dahil ba sa pagtalima at paggawa ng tama ay pinapatay mo ang kaligayahan ng mga taong nasanay nang gumawa ng mali? Kill-joy nga!

Paniguradong nabuwisit ka din tulad ko sa mga huling pagbubunyag ng katiwalian sa ating bansa. Sa totoo lang hindi ko na alam kung ano pa ang mararamdaman ko sa tuwing makakarinig ako ng mga balita tungkol sa mga KJ na opisyal ng Pilipinas. Nakakangilo na ang kurapsyon sa Pilipinas!

Noong nakaraang linggo nakilala natin si Ret. Lt. Col. George Rabusa na nagsiwalat ng katiwalian sa Armed Forces of the Philippines. Milyong pisong pera para sa pagbili ng matataas na kalibreng gamit pandigma sana ang winaldas ng iilang opisyal ng AFP. Mga perang galing sa iba't ibang ahensya ng mundo, at galing sa mga buwis na kinakaltas sa ating mga sahod. Sayang! Meron na sana tayong nuclear weapon! :)

Madaming matataas na opisyal ng gobyerno ang sinasabing may kinalaman sa sistemang ito ng AFP. Akalain mong may "pasalubong" at "pabaon" pa ang mga lintek na mga heneral na yan! Sa min nun, pansit o donut lang ang pasalubong sa min nun ng tatay ko, samantalang sa kanila parang barya lang ang P50M. Grabe!

Ret. Lt. Col Rabusa: Hindi po bababa sa 50M piso ang tinanggap ni Gen. Angelo Reyes no'ng magretiro po sya sa AFP your honor.
Dating Gen. Angelo Reyes: Tatanungin kita, ako ba ay naging ganid o nagswapang noong ako'y nanunungkulan?
Bebejho!: Ano daw?!


Nakakalungkot isipin na may mga taong dapat mo pang pagsabihan na mali ang gawaing ito bago pa nila malamang mali nga ang kanilang ginagawa o kailangan pang sitahin bago sumunod sa batas. O kaya naman, dahil ginagawa ng karamihan ay nagiging tama na sa paningin ng ilan. Hanga pa rin ako sa mga taong kahit last two minutes na eh humahabol pa rin maitama lang ang mga maling nagawa noon.

Kay Ginoong Rabusa at Bb. Mendoza, KJ man kayo sa paningin nila Angelo Reyes, panigurado namang full of joy ang mga anghel dahil sa pagsasabi nyo ng katotohanan.

At sana nga sa pagkakataong ito, maitama na ang mali at maparusahan na ang mga nagkamali. Huwag sanang mauwi lang din sa wala ang mga pagbubunyag na ito at ilang sakripisyong ginawa ng mga taong ito. Patuloy sana tayong maging positibo para sa ating Inang Bayan. Huwag mawalan ng pag-asa.

Para kay manong driver, sana naman matuto na kayong bumasa kung hindi man may drawing naman dun sa babala para mas maintindihan nyo ang nakasulat. Ang pagsunod sa simpleng babala ang huhubog sa disiplinang kailangan ng ating bayan. Tumawid sa tamang tawiran. Sumakay sa tamang sakayan. Magtapon ng basura sa tamang lalagyan. Bawal ang nakasimangot. Bawal ang KJ!

(sumakay na naman ako sa jeep ni manong driver kanina, tiningnan ko yung drawing sa babala, infairness mas mukha nga syang tambotso.. KJ naman... tsk. tsk)

Thursday, January 20, 2011

Paalam Na!

Mahabang panahon din kitang nakasama
Saksi sa mga oras ng ligaya’t saya
Sumalo sa mga luha sa aking mukha
Kadikit na saan man ako magpunta!

Alam kong alam mo na ito ay darating
Hindi mapipigilan kahit pa maglasing
Pilitin mo man ay ganon pa rin
Paghihiwalay sadyang ididiin!

Naging biglaan man ang paghihiwalay
Mahalagang parte ka ng aking buhay
Kung wala ka’y hindi ko mahaharap
Ang aking mga musmos na pangarap!

Anuman ang sabihin ko’y wala nang halaga
Pagsusumamo’t pag-alo sayo’y wala nang kwenta
Sakit na naramdaman ko sayo’y hindi na mahalaga
Kahit duguan na ang aking mukha!

Paalam na sayo mahal kong nunal!
Ilang taon din na ika’y aking marka
Mga tao’y ikaw lagi ang napupuna
Pakiwari ko’y ikaw na ang naging mukha!

Ramdam ko pa ang sakit
Nang biglaang pag-alis
Sana maging payapa
At peklat ay maalis! :)

_______

Ouch! it hurts you know!