Wednesday, May 12, 2010

Isang boto!

Natapos na ang eleksyon. Uso na naman ang mga hintuturong kulay lila. Kanya-kanyang huntahan na tungkol sa naganap na kauna-unahang "automated election" daw. Iba't-ibang opinyon at kuro-kuro ang maririnig mo sa'ng parte ka man ng mundo.

Precinct 1456A Cluster 401 voter #178. Llamas, Jocelyn R. Yebah! Ako yan!

Hindi ko man aminin, pero alam ko sa sarili ko excited ako sa May 10 election. Hindi lang dahil mabibigyan ng boses ang paniniwala ko at mapaninindigan ang prinsipyo kundi dahil sa mga bilog na hugis itlog! :)

Tayo raw, sa kasaysayan ng mundo, ang kauna-unahang gumawa ng transisyon mula sa manual voting patungong "automated election" na isinagawa "nationwide". Pero hanggang ngayon tinatanong ko pa rin kung "automated" nga ba ang eleksyon o "automated" lang ang bilangan? Palagay ko kasi, tayo lang din ang "automated" na napakaraming manual procedures na ginawa. Baka mali lang din ako ng intindi ng "automated", pakitama lang po. :)

Medyo late na nang makarating ako sa presinto na pagbobotohan ko. Katulad ng karamihan, nakisiksik din ako sa pila ng mga botante. Hindi naging mahirap ang paghanap ng pangalan ko (salamat sa online precinct finder), pero naging matagal at nakakainip ang pagpila papasok ng presinto. 531 ang hawak kong numero, 301 palang ang tinatawag ng BEI nang dumating ako. 10:30 ng umaga ako dumating, 11, 12, 1, 2, 3! Sa wakas nakaboto na ko!

Naibsan ang pagkainip at pagkairita ko sa pila nang matapos akong bumoto. Pakiramdam ko nagawa ko ang isang napakahalagang responsibilidad bilang isang Pilipino. Pasakay na ko ng jeep ng maglaro sa isip ko ang isang tanong. Gaano nga ba kaimportante ang isang boto ko?

Habang nagmumuni-muni ko, isang mama ang nakaringgan ko na nagsabi ng ganito: “Pare bumoto ka? Ako hindi na, hindi naman na importante ang boto ko, sayang lang oras ko sa pagpila.” Gusto ko sanang lingunin si manong at tanungin pero dahil sa sobrang init, hindi ko na lang siya pinatulan, lalo lang kasi kong papawisan pag nagsalita pa ko. Kaya ipinagpatuloy ko na lang ang pagmumuni habang natutulog.

Kung iisipin mo, ano nga ba ang isang boto mula sa 50M rehistradong botante? Ano nga ba ang pagbabagong maidudulot ng limang oras na pagpila ko para iboto ang kandidatong pinaniniwalaan ko? Paano mababago ng isang boto ko ang Pilipinas kung hindi rin naman mananalo ang kandidatong ibinoto ko?

Siguro kung ang dahilan ng pagboto ko ay para lang manalo ang kandidatong iboboto ko, marahil hindi ko nga makita ang kahalagahan ng isang boto ko. Ang isang boto ko ang kumakatawan sa patuloy kong paghahanap ng pagbabago. Ito ang simula ng pagtugon sa panawagan na bilang Pilipino, may magagawa ako sa pagbabagong hinahangad ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagiging responsableng Pilipino na magsisimula sa malayang pagpili ng bagong pamunuan.

Hindi man nanalo ang kandidatong pinaniniwalaan ko, panalo naman ako dahil bumoto ako ayon sa aking konsensya, prinsipyo at paniniwala at hindi dahil lang alam kong mananalo siya at gusto siya ng nakararami.

Ang pagboto ay hindi lang basta pag-shade sa mga bilog na hugis itlog, ito ang simbolo ng pagkakapantay-pantay ng bawat Pilipino, ng demokrasya, ng resposibilidad, ng pagmamalasakit sa bansa at higit sa lahat ng paninindigan.

Kaya kay manong, sayang at hindi ka nakaboto natalo tuloy si Perlas! tsk! tsk!

No comments: