Friday, August 13, 2010

Friday the 13th

Bata palang ako, lagi ko nang naririnig ang kasabihan ng matatanda tungkol sa Biernes-trese. Sabi ng lola ko noon, malas daw ang araw na ito at kailangan ng ibayong pag-iingat. Marami na ring ipinalabas na pelikula patungkol sa hiwagang taglay ng Friday the 13th. Marami na tuloy ang natatakot tuwing magkakaron ng ganitong pagkakataon sa isang taon.

Kung anu-anong kwento at haka-haka ang naiisip ng mga tao tuwing sasapit ang Friday the 13th. Nariyan ang mga sakuna, sakit, at kwento ng katatakutan na pilit ikinakabit sa araw na ito.

Friggatriskaidekaphobia daw ang tawag sa pagkatakot sa Friday the 13th (malas ka kung hindi mo alam bigkasin ang salitang yan, pero swerte ka kung kaya mong i-spell-out yan sa loob ng isang minuto, try).

Pakiramdam ko masyado nang api ang numero trese dahil kahit saang gusali eh wala kang makikitang 13th Floor, buti pa ang nuwebe eh Lucky 9.
____________

Nakagawian ko na ang magpacheck-up tuwing August 13 (papansin kasi ako..). Eto lang kasi ang araw na masasabi kong "para sa akin" at pwede kong gawin anuman ang naisin ko. Maaga akong nagising dahil sa dami ng text na natanggap ko (naks!) Naggayak na ako papuntang hospital nang tumawag ang boss ko. "Jho! may mali ata sa report mo, baka pwedeng paki-ulit." Hindi ako pwedeng mainis, kaya ang sagot ko, "Sige Maám, check ko." Bitbit ang laptop, nagtungo na ako ng hospital. (Bilugan ang tamang sagot. a. malas b. swerte)

Dahil may bitbit, nagtaxi na ako papuntang hospital buti na lang P45 lang ang bill ko at dahil August 13, P50 na ang binayad ko. Yebah!

Buti na lang at naisipan din ng isang ka-opisina ko ang magpacheck up sa araw na yun at napagkasunduan na dun na kami magkita sa hospital. Pagkatapos kong kunan ng dugo para sa CBC, at habang hinihintay ang kasama ko, binuksan ko na ang laptop at nagsimula nang magtrabaho. (Salungguhitan ang tamang sagot a. malas b. super malas)

Lunch time na nasa hospital pa din ako, hinihintay yung ENT doctor at tinatapos yung report ko. Bago pa man ako tawagin ng doktor eh naisubmit ko na yung "revised report" ko. Hay! Tinawag na ko ng doktor. "Mmm.. hinga ng malalim, ok. buka ang bibig, ok." Niresetahan ako ng para sa acid reflux ko at syempre ang pinakaaasam-asam ko.. Nilinis ni Doc ang tenga ko! Yipee! (Piliin ang tamang sagot a. swerte b. super swerte)

August 13. Biyernes pala ngayon, nabasa ko sa facebook account ng dati kong boss, ang Biernes-trese daw sa August ang pinakamalas, panigurado marami na naman ang magtatakutan sa araw na ito. Hindi ako naniniwala sa malas at swerte, naniniwala lang ako na pinagpala ako dahil ngayon ang araw ng aking kapanganakan. Ito ang araw na pinili ng Diyos para buuin ako sa sinapupunan ng aking Ina. At ito ang araw na ibinigay Nya sa akin para magsaya at magpasalamat sa mga taon at taong ibinigay Nya sa kin.

Sa lahat ng mga taong nakaalala at nakibahagi sa aking kaarawan sa pamamagitan ng pagbati, swerte kayo ngayon! :)

Maraming salamat po!

2 comments:

Edong said...

ahhhh... ngayon alam ko na kung bakit ako swerte noong Friday the 13th... hehe

bebejho! said...

hahaha! tama.. :) joke!