Maliit pa ako nang umalis ng bahay si tatay. Hindi ko pa naiintindihan yun dati, akala ko bibili lang siya ng hikaw gaya ng pangako nya sa ‘kin.
Si Tatay ang malaking impluwensiya ko sa basketball, lalo na sa Ginebra, chess, billiards, isama na din natin pati karera ng kabayo. Siya din ang nagturo sa ‘kin na magmultiply gamit ang sampung daliri. Masaya pa kami nu’n hanggang sa umikot na ang tadhana.
Grade school ako nang tuluyang maghiwalay ang mga magulang ko. Nabawasan na ang nakikisigaw ng “Anejo! Ginebra!” sa loob ng bahay namin. Nawalan na din ng suki si Manong Bobby ng tumataya sa kanya ng ending. Matagal ding nakalimutan ang Happy Father’s Day sa loob ng tahanang binalot ng lungkot at hinagpis. Mahirap.
Sa mahabang panahon, tanging si nanay ang nakasama namin. Siya ang tumayong nanay at tatay para sa aming limang magkakapatid. Nakita ko ang hirap ni nanay, minsan nahuhuli ko s'yang umiiyak. Ramdam ko yung bigat ng responsibilidad na nasa balikat nya ng mga panahong iyon. Pero hindi siya sumuko. Pinilit nyang kayanin ang lahat ng hirap dahil sa pagmamahal nya sa ‘min. Bihirang-bihira akong magkwento nang tungkol kay nanay, kasi hindi ko mahagilap ang mga salitang tutumbas sa mga hirap at kabutihan nya.
Higit ko siyang hinangaan nang bumalik si tatay. Sa tagal nang panahon, alam kong may bahid ng galit pa rin ang puso nya. Sa simula, hindi din nya alam kung ano ang magiging reaksyon, pero nangibabaw pa rin sa kanya ang pagmamahal at pagpapatawad. Tinanggap nya si tatay at katulad ng dati, inalagaan at pinaglingkuran hanggang sa huling araw ni tatay sa mundo.
Hindi man naging matagal ang muli naming pagsasama bilang buong pamilya, masaya na ko dahil natapos ang buhay ni tatay na kami ang kasama, nakapagkwentuhan, at muling nakapanood ng laro ng Ginebra habang nakakabit ang oxygen sa ilong.
Muli mang umalis si tatay pero patuloy naming ipagdiriwang ang Happy Father’s Day para kay nanay na patuloy na nagiging tatay para sa amin.
Kaya para sa'yo 'nay, Happy Father’s Day!
8 comments:
Blessed Father's Day sa nanay mo beh!
may hawig ang kwentong tatay natin, glad to know that all is well.
be blessed always!
ang galing, kahanga-hanga... :)
belated happy father's day sa nanay mo... :)
hehehe... salamat! belated din sayo bossing! :)
All is well.
Isa sa kahanga-hanga sa mga Pilipino lalo na sa ama at ina ang pagmamahal sa kanilang pamilya.
Madalas ngang mga nanay ang naiiwang umaaruga sa kanilang mga anak. Mapa-sandali man o tuluyang paghihiwalay ang dahilan ng paglisan ng ama ng tahanan.
bilang nanay rin ng tatlong mga anak ko, naiintindihan ko ang nanay mo kung bakit ganun na lang ang pagtitiis niya kahit gaano pang hirap and kakabit ng pagaalaga niya sa inyo. Pero siguro bihira na lang ang mga tulad niyang tatanggap sa isang taong nagdulot ng sakit sa pamilya. Dakila ang nanay mo at mapalad ang inyong tatay. Pero hindi rin naman natin masasabi kung ano talaga ang tunay na mga nangyari sa kanila. Ang tanging dapat makita ay ang pagmamahal na naging hatid upang mabuo muli ang inyong pamilya.
hi ms. kaye! maraming salamat sa pagbisita.. oo tama po, dakila talaga ang pagmamahal ng isang inang katulad mo... masarap balikan ang mga panahong matagumpay naming nalampasan ang mga pagsubok sa pamilya.. :)
salamat po ulit... belated happy father's day sa inyong asawa.. :)
salamat. hindi kami nakapagcelebrate ng father's day dahil sumakit ang likod niya. nasobrahan ata sa cracker nuts at umarya ang uric acid. hahahaha!
wala pang bagong post? ;-)
hi ms. kaye! hehehe.. cnsya na, gaya nga ng nasabi ko, minsan inaabot ng amag bago ako magpost ng bago. :) pero subukan ko po magsulat ng bago.. hehehe
salamat sa pagbisita. :)
Post a Comment