(ang blog entry na ito ay bilang pagtugon sa hamon ni jkulisap, isang hamong sumukat sa aking malayang kamalayan.. subok lang.. game!)
___________
Matagal na panahon na rin nang maukit sa ating kaisipan ang ideyalismo ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal - “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Daan-taon na ang nakalipas, maraming pagbabago na ang kinaharap ng bayan, totoo pa rin kaya ito sa makabagong panahon?
Pasukan na naman, muli kong naisip ang mga kabataan. Ano na ba ang kalagayan ng mga batang Juan Dela Cruz sa kasalukuyang panahon, mga kabataang pinaghuhugutan ng pag-asa ng nangangalumatang Inang bayan?
Nakilala ko si Jasper sa San Francisco High School. Sa edad na 22, sa wakas ay magtatapos na siya ng hayskul. Tubong Siquijor si Jasper, isang lugar sa Pilipinas na nababalutan ng kwentong katatakutan tungkol sa manananggal, mangkukulam at iba pa, lugar na hindi yata uso ang pulut-pukyutan. Iniluwas ng tiyahin si Jasper nang masunog ang bahay kasama ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid. Dahil sa pangyayari, hindi kataka-takang lagi siyang mag-isa, nakatingin sa kawalan, puno ng panibugho sa pagmamahal ng pamilya, lugaming animo’y gustong tumakas sa hagupit ng kapalaran. Apat na taon na s’yang nakikitira sa kanyang tiyahin, ayun sa kanya hindi madali ang makitira sa ibang bahay.
Naikwento ni Jasper ang pasakit na kapalit ng pagtira sa bahay ng maharlikang tiyahin. Sa simula palang, ramdam niyang hindi bukal sa puso ang pagpapatira sa kanya. Sabi nga sa kanya, huwag na daw siyang mag-aral dahil sa utak-dikya, kahit anong pagsusumikap ang gawin ay hindi rin siya magtatagumpay. Animo’y alingawngaw ng kawalang pag-asa ang mga salita ng tiyahin, kung kaya’t para matugunan ang pangangailangan, nagtitinda siya ng basahan pagkatapos ng klase. Hindi alintana ang hirap, lumabas man ang kuyukot, para sa pangarap gagawin ang lahat.
Parang halinghing ng magandang balita ang narinig ko. Nakita ko ang pusong handang sumuong sa lupit at dilim ng yungib ng lipunan para sa pangarap, lumimot sa peklat ng kahapon hindi para tawaging banal kundi upang maging mabuting mamamayan na siyang susi para sa pag-abot sa luwalhati ng pag-unlad na matagal na’ng minimithi.
Sana marami pang Jasper akong makilala, ang piniling mangarap at abutin ang adhika sa kabila ng kakulangan. Isang kabataang tunay na pag-asa ng bayan!
28 comments:
Sana nga po marami pang Jasper at sana rin wala ng mapang-matang mga nilalang sa mundo. Sana. Sana.
animus: suplado ka daw... hehehe.. maraming salamat sa pagdaan.. onga, pamilya ang syang dapat unang kaagapay ng paghubog sa kabataang Pilipino.. masakit isiping ang iba ang sya pang unang yumuyurak sa pangarap ng kaanak.. salamat ulit sa pagdaan.. :)
madaming pang jasper sa bansa. yun nga lang, hindi na bibigyang pansin kung minsan
kuya mao, salamat sa pagdaan.. :) sana makilala ko din sila dahil paniguradong papansinin ko sila.. hehehe... sa uulitin..
Marami pong Jasper sa bawat sulok ng bansa, sana lang kasingdami o mas higit pa ang handang umagapay sa kanila :)
hartlesschiq: salamat po sa pagdaan! sana nga dumami pa sila na piliin ang habulin ang pangarap kesa habulin ng parak.. at sana din maging bahagi tayo (kung may pakakataon) ng bawat Jasper na makikilala natin.. maraming salamat ulit! :)
Ganun tlga ang buhay. Maraming mga taong pilit na magpapabagsak sayo.. minamaliit ka hanggang sa tuluyang ka nang bumagsak. Ang importante lang naman, marunong tayong bumangon at lumaban. Katulad ni Jasper.. na ang tanging hangad ay maging matagumpay at makamit ang kanyang adhikain sa buhay.
Marami pang Jasper sa mundo..
Gandang gabi. :)
naalala ko ang aking kabataan sa katauhan ni jasper..
hindi hadlang ang kakapusan sa buhay basta mangarap lamang at piliting abutin ang pangarap kahit pa suungin ang kahit na anong hirap.
@newstarleah:salamat po sa pagdaan.. tama ka, marami talagang tao ang humagalpak habang ang iba ay tinatapak-tapakan ang pagkatao.. sana lahat ng kabataang nakakaranas ng katulad ng kay jasper ay ganon din ang gawin.. ang ipagpatuloy ang pangarap hadlangan man ng sibat..
@MD: labas din po ba ang kuyukot nyo? joke! salamat po sa pagdaan..
ang kuyukot! bow! ang husay mo s pagsusulat...
aba palomah, may blog ka din pala.. salamat sa pagdaan.. :)
Maraming salamat po sa pakikilahok sa Kamalayang Malaya 2.
Ito po ay Kalahok Bilang 9
9 KM2: KUYUKOT NI JASPER
Bebejho Quezon City
Nice! Minsan rin akong naging Jasper. Pero di naman siguro kasing hardcore n'yan.
Gudlak po ate! :D
ito ang akdang may puso at paninindigan.
binigyang simbolo ni jasper ang pag-asa at giting na harapin ang kulimlim na bukas sa gaya niyang mahirap. sana, nga marami pang jasper ang ilutang ng ksalukuyang panahon. kailangan talaga natin ang gaya nila sa hinaharap.
napakagandang lahok ito. nangingibabaw ang pag-asa at kabutihan ng loob ng sumulat para sa katulad ni jasper.
inspirasyon kayong kailangan ng kasalukuyang panahon. magandang araw po!
raise d roof for jasper!
isa kang alamat jasper.. taas ang kamay ko sayo...
@PaQ: maraming salamat po sa pagdaan..
duking, salamat at napadaan ka.. tama ka, isa ngang inspirasyon si jasper.. hindi ko magagawa ang entry na ito kung hindi ko nakilala ang isang kabataang katulad ni jasper.. sana nga dumami pa ang katulad nya, at sana makibahagi tayo sa makulimlim na bukas na haharapin ng mga makabagong Jasper. salamat ulit!
iya_khin at jedpogi, salamat po sa pagbisita. :)
nakakainspired na kwento...
pero dahil kasali ito sa pakontes ni fafa kulisap, hinanap ko ang labing anim na salita, parang may nawawala ata o bulag lang ako...hehehe..wala ung salitang maharlika?
Maraming katulad ni Jasper, sana nga lang panangalagaan natin sila.
ayuuunn nakita ko na din... tiyahin...hehe..ayos!buti nalang binasa ko ulit..hehe
napadpad ako sa blog dahil sa isang misyon
dala ng matinding konsumisyon, hinanap ko ang iyong lokasyon
alas voila! salamat nakita ko na
magbibigay pugay lang sa dakila mong katha!
@akoni: salamat po sa pagdaan.. onga pangalagaan at makibahagi tayo sa paghubog ng mga kabataang Japser..
@daemonite: maraming salamat po!
maganda ang pagka buo ng kwento , isa sa magandang entry ito
ang gaan ng daloy, hatid ay pag-asa... salamat sa pag-share :)
super positive ang akdang ito... good vibes! sana mas marami pang jasper ang ipanganak sa mundo... sana hindi na puro juan na laging nakatanghod sa grasya na wala naman ginagawang paraan para mabuhay siya.
Hala! Ako suplado? Bihira lang siguro mag-online / mag-bloghop. Pero... pero... hindi kasi ako matino kausap. LOL.
Ayun nga. Muling bumisita para magbigay ng marka. Out of the first ten entries (di kabilang yung sa akin, #10), isa ito sa dalawang may perfect score. :)
@taga-bundok: uy salamat po at nabisita ka ulit.. at maraming salamat sa markang binigay mo.. hindi ko na naman na hinahangad ang premyo... ang makapagpahayag ng saloobin lalo na ang makakilala ng bagong kaibigan sa blogosperyo, para sa kin isang gantimpala na.. salamat sayo.. :)
9. Kaarawan ni Gat. Jose Rizal kahapon. Ipinagdiwang ito upang alalahanin ang magaganda niyang iniwan at minana nating kaalaman. Si Jasper ay sumisimbolo sa kabataang Pilipino, maghirap man kung lalabanan ang pagkalugmok ay magwawagi rin. Ang iyong akda ay nagpamalas ng kapayakan, hindi kumikinang subalit hindi naman nakakabulag pagmasdan. Marahil sapat na ang ideyang ipinamahagi mo upang magising din ang iyong mambabasa. Tatanda ang Pilipinas, lumisan si Rizal, lilisan din si Jasper at may panibagong Jasper ang lipunan natin na maisusulat din sa kasaysayan. Muli ako’y nagpapasalamat sa iyong pakikilahok sa KM2: Daloy Diwa.
Parang gulong nang sasakyan Kung Minsan ang buhay nang Tao NASA baba naghihirap Kung Minsan ang pagkakataon nga naman Minsan NASA taas mataas ,masagana , naging jasper din Ako edad 18 nagsimula na akong mag Banat nang buto sa edad 21 nag abroad na Ako Di alintana ang hirap ,Di ko naranAsan buhay dalagang nililigawan at pinapadalhan ng flowers eh panu ikaw ba naman napuno nang utang ang pamilya,baun sa utang,natutulog sa tagpi tagping karton walang tv,Wala lahat ,Wala Rin pagkain,naku long pa mama ko,yung tatay ko NASA Malayo walang suporta ,may dalawang kapatid nag aaral ,Ako naman huminto diko na kaya bilang panganay kelangan tumayong pangalawang magulang,binigay ang lahat kulang na Lang pati kaluluwa ko ibigay ko na,Salamat sa dios natapos nila pag aaral nila at mga professionals na sa medical courses ,at ego Ako ngayon NASA ma layong bansa , best lesson learned in my life ,huwag kalimut an ang sarili dahil ikaw ang Kawawa sa bandang Huli , ngayon ang tinulungan mo Ay pinagmamataasan kana, ni Hindi tumanaw nang utang ng loob,ninakaw na lahat lahat sayo ,pera,lupa,bahay,at respeto bilang kapatid o kapamilya nawala,ma sakit man pero masaya Ako maganda na buhay nang pamilya ko,ngAyon ko napagtanto Ako pala Ay Isang dakilang tanga , ngayon sino ang walang pinag aralan?sino ang walang bahay?sino ang walang diploma?Sa ngayon NASA ibang bansa Ako magsisimulang muli Tapos na ang kabanata sa buhay ko na Di ko naging dalaga.
Post a Comment