Siguro kung tatanungin kita ngayon kung sino ang “first love” mo malamang sa malamang eh masasagot mo ko. Ang pangalan ng una mong guro, ang first dance mo sa JS prom, unang halik, unang pagkabigo, unang kumpanyang pinagtrabahuhan at kung anu-ano pang una sa buhay mo, malamang naaalala mo pa. Sabi nga nila, mahirap makalimutan ang mga unang bagay na ginawa mo gayundin ang mga huling pangyayari sa buhay mo. Pero gusto kong pagtuunan ang mga perstaym. :)
P1,206.75 ang kauna-unahang sahod ko sa buong buhay ko (totoo, pramis!). Malaki na yun no'ng 1999, nagawa ko pa ngang ilibre ang pamilya ko sa halagang 'yan. Unang beses akong nakatapak sa Araneta Coliseum noong nanood ako ng fans day ng Ginebra (syempre!). Masaya ang unang labas ko ng bansa, at ito rin ang unang sakay ko ng eroplano. Kapareho lang ang pakiramdam sa unang sakay ko ng barko. Nakakatawa ang unang lasa ko sa gilbey’s gin, unang beses ko rin malaman na ganon pala ang epekto ng alak sa mata ko, kaya hindi na naulit.
Naging malungkot at masakit sa puso ang unang relasyong napasok ko, akala ko katapusan na ng mundo. Lahat ng kanta naiiyak ako kahit ata Lupang Hinirang damang-dama ko. Totoo nga ang tsismis, stupid ang love!
Noong nakaraang linggo, pinatulan ko ang isang patimpalak sa pagsulat. Unang beses na kinalimutan ko ang takot ng kabiguan at malayang nagpahayag ng saloobin. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin ako kumbinsidong kaya ko ngang magsulat. Isang patimpalak na pauso ni jkulisap ang tuluyan kong sinalihan.
Hindi ako madalas sumulat sa blog, kung minsan aabutin na ng amag bago ako magkaroon ng panibagong entry sa blog ko. Naging daan ang patimpalak ni jkulisap para manumbalik ang sigla ko sa pagsulat kahit ilang saglit lang. Nagkaron akong muli ng interes sa pagsulat at pagba-blog.
May premyo ang patimpalak ni jkulisap, pero sa mga oras na ‘to hindi ko na inaasahan ang manalo (dahil hindi naman talaga ko mananalo). Hindi kasi matutumbasan ng materyal na halaga ang nakuha ko mula sa patimpalak na ito. Ang mga bagong kakilala na nakadaupang palad ko, mga salita na nagbibigay pag-asa, para sa kin sapat nang premyo ito para sa unang subok ko sa pagsali sa isang paligsahan.
Para kay jkulisap, maraming salamat sayo at binuhay mo ang katawang lupa ko este ang diwang malaya ko at dahil sayo perstaym kong narinig ang boses ng matagal ko nang kaibigan sa blogosperyo. Ako na ang winner! :)
5 comments:
*clap*clap* :)
'Yong pagsusulat bahagi ng buhay 'yan.
Meron kasing mga salita na mahirap sabihin kapag may matang tumitingin, kapag may bibig na nagsasalita.
Sa pagsusulat, walang aangal o walang kumakampi. Malaya mong maipaparating ang nais mong sabihin.
Ako nama'y natutuwa at ako ang first time mo. Ako na.
bossing, salamat sa palakpak.. :)
jkulisap, salamat sa pauso mo.. ikaw nga ang perstaym ko.. ikaw na! :)
Dear Bebejho,
Paumanhin po at nakapagkamalan ko kayong sir. Sorry po! =) Ang ginawa ko po kasi sa mga entries sa KM2 ay nicopy paste ko base sa pagkaksunod-sunod sa MS Word para patas ang paggrado kaya di ko alam na babae po pala kayo. Sorry po talaga. =)
Maraming unang beses sa buhay natin, madalas di yun malilimutan. At tama po ikaw mam, kakaiba ang dulot ng pagsusulat, lalo na sa blog. Pangatlong beses ko na itong sumali sa Kamalayang Malaya, at sasabihin ko ng diretso na di din ako nanalo hahahahaha pero nagbukas ito ng pagkakaibigan sa iba pang mga bloggers. Marahil, mas magandang premyo iyon lalo na sa mundo na masalimuot kung minsan.
I-add ko po kayo sa blogroll ko sa susunod na araw inaayos ko pa po kasi ang dot com. Be blessed po, mam.
Sulat lang po nang sulat!
sir pong, ayos lang... mukha rin naman akong lalaki.. hehehe.. salamat din sa mga akda mo... magaling! :)
isasama ko na din ang iyong kalagayan sa aking panalangin.. :) be blessed to be a blessing!
Post a Comment