Sunday, December 25, 2011

Maligayang Pasko!

“Tuwing sasapit ang Pasko,
Namimili ang mommy ko
Ng mga panregalo
Para sa araw ng Pasko.

At itong aking daddy
Gumagawa ng Christmas tree
Sasabitan ko naman ng mga laruan ang mga kendi
Na iba’t ibang kulay”


Mahilig akong sumama sa pangangaroling nu’ng bata ako kahit ayaw akong payagan ng pamilya ko, takot na kasi silang mawala ulit ako kaya bawal na ang lumabas ‘pag gabi. Bukod sa pamosong Sa may Bahay, paborito ko ding kantahin ang Tuwing Sasapit ang Pasko na hanggang sa ngayon ay hindi ko alam kung yan nga ang pamagat ng kantang yan.

Simple lang naman ang mga kailangan sa pangangaroling – lata ng gatas na walang laman, plastic ng bigas, at goma meron na kaming tambol, pinitpit na tansan at alambre para maging tamborin at ang mala-anghel na tinig ng mga kasama ko pwede na kaming mangaroling. Mga pinsan kong lalaki ang lagi kong kasama para mabilis magsitakbo ‘pag hinabol kami ng aso. Matapos ang isang gabing pagkanta at pag-iwas sa mga aso, masaya naming paghahatian ang aming napangarolingan. Simpleng buhay, masaya yan ang buhay ng bata.

Nu’ng bata ako, minamadali ko ang pagtanda. Gusto ko ng magtrabaho, ayoko ng mag-aral. Gusto ko na ang mag-heels ayoko na ang school shoes. Gusto ko na ang shoulder bag ayoko ng magback pack. Gusto ko ng tumanda, ayoko ng maging bata!

Pasko na naman, muli kong narinig ang mga batang nangangaroling. Naaalala ko na naman ang simple pero masayang buhay bata. Ngayon ko naiisip, hindi pala dapat minamadali ang pagtanda kasi minsan lang talaga tayo magiging bata. Sana pwedeng iwan ang pagiging matanda at bumalik sa pagkabata.

Sana pwedeng bumalik sa panahon na ang pinakamasarap na pagkain ay spaghetti at fried chicken, pinakamasarap na drinks ay yakult at ang pinakamasarap na panghimagas ay jellyace.

Sana kaya kong bumalik sa panahon na ang paglilibang ay paglalaro ng siyato, patintero, luksong baka at tumbang preso – libre walang bayad.

Bumalik sa panahon na ang mansanas (Apple) ay nasa hapag at masarap na rekado sa fruit salad, at ang duhat (Blackberry) ay masarap ikalog sa asin.

Bumalik sa panahon na ang tanging alam mo lang ay a-ba-ka-da at multiplication table at wala kang pakialam kung ito lang ang alam mo dahil ito lang ang importante sayo. Mas gusto mo ang tsokolate kesa pera kasi nde naman nakakain ang pera.

Matanda na nga ako, nagiging kumplikado na ang bawat problemang nakakasalubong sa paglipas ng bawat araw kaya mas lalo kong ginugustong maging bata na ang tanging problema ay math problem na lagi namang may solution sabi ni teacher.

Simple, payak, kuntento at masaya yan ang buhay ng isang 8-taong gulang na bata.

Ang Pasko nga daw ay para sa mga bata, sana maalala ako ng ninong at ninang ko. :)

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

1 comment:

J. Kulisap said...

Yong mga inilahad mo dito ay nagpapahiwatig na na ikaw ay tumuntong/tutuntong na sa ikatlong dekada ng iyong buhay.

Bakit ko alam? Kasi humihiling ka na ng pagbabalik sa kabataan.

Happy New Year Bebejho.