Wednesday, May 18, 2011

Putik at Pag-unlad

Lumaki ako sa panahong kakaunti palang ang sementadong kalsada. Maputik ang daanan papuntang eskwela, papuntang bayan, maging sa mga kapitbahay. Paniguradong bibigat ang magara mong sapatos kapag inabot ka ng ulan sa daan. Ang mga dyip ay makikita lamang sa mga pangunahing lansangan kaya mas madalas lakad talaga ang pangunahing transportasyon.

Mabilis na umusad ang panahon, parang kailan lang ang mga putikang kalsada sa harap ng bahay namin e sementadong kalye na na dinaraanan ng mga pampasaherong sasakyan ngayon. Bibihira na ang makikitang mong naglalakad dahil may tricycle naman na pwedeng sakyan papuntang eswela at dyip papuntang bayan.

Noon naiinis ako kapag umuulan, kasi paniguradong maputik na sapatos na naman ang lilinisin ko pagdating sa bahay. Hassle men! So jologs! Pero ngayon parang hinahanap-hanap ko ang mga maputik na kalsada na tatak ng aking panahon.

Masaya ako nang mapasama ako sa grupo ng Kansurok Mission Team noong 2008, bukod kasi sa ispirtwal na kahalahagan ng pagpunta dun e nanariwa din sa aking alaala ang aking kabataan. Yebah!

Nasa Baranggay Tugos ang Kansurok sa bayan ng Boac, Marinduque. Bago mo marating ang lugar na ito sasakay ka ng barko mula Lucena patungong Cawit, Marinduque. Halos tatlong oras ang mabagal na biyahe sa dagat. ‘pag dating sa Cawit, sasakay ka pa ng tricycle papasok ng magubat na baranggay ng Tugos. Mula rito, lalakad na kami at daraanan sa siyam na ilog na pumaikot sa buong Tugos. Apatnapu’t limang minuto ang gugugulin mo sa paglalakad patungong Kansurok, yun ay kung hindi ka maliligaw at mabilis kang maglakad. :)





Habang naglalakad, naalala ko ang aking kabataan. Nanariwa sa aking isip ang mga maputik na kalsada noong gradeschool ako, ang paglilinis ng maputik na sapatos, ang paglalaro ng tubig baha sa kalye, taguan-pong sa mga puno ng saging at mangga, habulan tuwing hapon, pawisan at amoy-araw na singaw ng katawan pag uwi sa bahay. O yeah, this is the life!

Pangunahing layunin namin sa pagpunta ay para maipahayag at maipakalat ang salita ng Diyos sa kasulok-sulukang bahagi ng Kansurok. Pero sa kondisyon noon ng Kansurok, naiisip din namin na kahit papaano ay maiangat ang antas ng kalidad ng kanilang pamumuhay.

Muli kaming bumalik sa bayan ng Kansurok noong nakaraang linggo. Ito na ang ika-apat na taon namin simula nang umpisahan ang aming misyon sa lugar na ito. Sa loob ng apat na taon, masasabi kong may pagbabago na sa lugar na ito ng Marinduque. Kung noon, kahit yung mga mismong taga Marinduque ay hindi alam kung nasaan ang Kansurok, at least ngayon nadagdagan ang lugar na alam nila sa bayan ng Tugos. Kung noon, siyam na ilog ang dapat tawirin, ngayon eh makakapasok na ang sasakyan dahil tuyo na ang ilog at pinatag na ang gilid ng bundok na syang nagsisilbing daanan papasok ng Kansurok. May pailan-ilang bahagi ng kalsada ang sementado na rin. Para sa akin, malaking pag-unlad na ito para sa isang bayang muntik nang makalimutan ng gobyerno.

Pag-unlad. Progreso. Pag-asenso. Sino ba ang may ayaw sa mga yan? Lahat ata ng pulitiko ito ang ibinabalandra tuwing kampanya. Lahat ng tao, ito ang gusto. Kumakayod araw at gabi para sa pag-asensong pinapangarap. Maging ako, hinihintay ko ang pag-unlad ng Pilipinas.

Masaya ako sa pagbabago sa Kansurok, pero hindi ko maitatago na sa isang bahagi ng puso ko ay may kurot ng lungkot. Kasabay kasi ng pagbabago ay pagkasira ng ilang bahagi ng kalikasan. Natutuyo na ang mga ilog na dati-rati’y kasama naming naglalakad. Nakakamis ang madilim na paligid na tanging alitaptap ang nagsisilbing tanglaw sa daraanan. Meron pa ring kuliglig pero kakaunti na ang mga palaka. Wala na ang mga putik sa kalye at unti-unti nang sumisilip ang pag-unlad. Nakakamis lang talaga ang payak na buhay sa nayon.

Walang masama sa pag-unlad, pero sana kaya nating umunlad nang hindi nasisira ang kalikasan, na hindi kailangang pumutol ng libo-libong puno, o ilog na matutuyo. Sana abutin pa ng mga apo ko ang ganda ng kalikasang pinagkatiwala sa Pilipinas.

Saan pa kaya may putik? (Dora, where’s the map?)

Friday, February 25, 2011

Pilipinas..

Paniguradong naninilaw na naman ang buong bansa dahil sa pagdiriwang at paggunita sa EDSA People Power 1. Bumabaha na naman ng kanya kanyang kuru-kuro at opinion tungkol sa dating pamahalaan at mga naging karanasan nila sa mga panahon na tinuturing na “dark days of the Philippines”.

Dalawampu’t limang taon na nga ang nakalipas nang una nating ipinakita sa buong mundo ang pwersa ng “people power”. Mahigit dalawang dekada na ang lumipas, ano na ba para sa iyo ang diwa ng EDSA?

Mga apat na taon palang ako noong mangyari ang pinagkakapitaganan nating People Power Revolution. Sabi ng marami, ito daw yung panahon na nagsama-sama ang halos lahat ng Pilipino sa EDSA para patalsikin ang diktaduryang Marcos. Kumanta ng "Handog sa Pilipino", nag-alay ng bulaklak sa mga sundalo, sama-samang nanalangin at nagkapit-bisig para sa pagbabago at pag-unlad ng bayan. Walang duda! Kaya pala sobra nating ipinagmamalaki ang nangyari noong February 25, 1986. Dahil naipakita natin sa buong mundo na kaya nating magawa ang isang bagay kung sama-sama. Tama!

Mahigit dalawang dekada na, ganito pa rin ba ang diwa ng EDSA? Natapos na ba ang diwa ng EDSA noong 1986? Isa na nga lang bang gunita at alaala ang diwa ng People Power? Tuwing may ayaw lang ba tayong gobyerno lumalabas ang diwa ng pagkakaisa? Ganito na lang ba kababaw ang diwa ng EDSA?

Matapos ang EDSA Revolution, panigurado nakatingin ang buong mundo sa ating bansa. Nagmamasid at nanunukat kung maisasakatuparan nga ba natin ang pagbabagong isinisigaw natin sa EDSA dalawampu't limang taon na ang nakararaan. Palagay mo, nasan na nga ba ang Pilipinas matapos ang People Power? Masaya ka pa rin bang gunitain ang araw na ito?

Nabasa ko sa isang blog ni Maria Ressa, na halos 36% na lang daw ng mga Pilipino ang naniniwalang tama ang EDSA Revolution. Marahil ang iba sa kanila ay nahinawa na sa paulit-ulit na trahedya at komedyang nararanasan ng ating bansa. May basehan ba ang sagot nila?

Hindi na siguro importanteng balikan ko ang nakaraan dahil panigurado alam nyo nang lahat iyon. Magulo, marumi, marahas at walang konsensya ang panahong iyon, yan malamang ang sasabihin mo. Pero para sa akin, hindi naman siguro tagos sa buto ang karumihan ng gobyerno noon kumpara ngayon. Kung noon, mga Marcos lang at ilang cronies ang corrupt, aba ngayon, buong gobyerno na ang corrupt! Saan ka pa! Nagagalit tayo sa $25B na utang ni Marcos na pinangpagawa ng Heart Center, Lung Center, CCP, San Juanico Bridge, East Avenue Medical Center, LRT at kung anu-ano pang imprastraktura pero ok lang sa atin ang milyon-milyong kinurakot at kinukurakot ng marami nating pulitiko at patuloy na pangungutang para sa mga kunya-kunyariang proyekto ng gobyerno. Nagagalit tayo ng taos-puso sa mga kaliwa't kanang human rights violation nung panahon ng Martial Law pero half-hearted pa ang ilan sa Ampatuan Massacre at ilang pagpatay sa mga mamamahayag. Nakafreeze na ang lahat ng ari-arian ng mga Marcoses para ibalik sa mga nasamantala noong panahon nya. Naging masama ang gobyernong iyon, at patuloy pa rin ang kasamaan sa ating pamahalaan. Palagay nyo, may nagbago ba sa Pilipinas matapos ang dalawampu't limang taon?

Sa palagay ko, ang patuloy na paglingon at pagsisi sa nakaraang pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi kahit konti nakausad ang bansang Pilipinas. Hindi ako pro o anti sa kung kanino mang pamamahala, ang sa akin lang, mananatili ba tayo sa nakaraan? Lahat ba ng mali sa ngayon ay isisisi natin sa nakaraan? Hindi ba sapat na nakita natin ang kamalian at marami pang panahon para itama ang mga ito?

Unti-unti nang nawawala ang glorya ng EDSA Revolution, ang tanging nagbibigay sa atin ng karangalan bilang isang nasyon. Huwag na sana nating antayin pa na tuluyan nang mawala ang ningning ng pagkakaisa. Sana hindi natatapos ang pagdiriwang ng People Power, dahil para sa akin ang "people power" ay pagkakaisa para sa pag-unlad at pagbabago at hindi para magpagamit sa mga pulitiko. Hindi lang para patalsikin sa pwesto ang mga ayaw natin, kundi tulungan ang gobyerno para ang Pilipinas ay paunlarin. Bakit hindi natin iangat ang pakahulugan ng "people power" sa ibang level? Bakit hindi tayo magkaisa na sumunod sa batas trapiko? Bakit hindi tayo magkaisang linisin ang pamayanan? Bakit hindi tayo magkaisang tumawid sa tamang tawiran at sumunod sa batas? Ang diwa ng EDSA ay hindi lang para sa welga at rally, para din ito sa araw-araw na buhay Pilipino.

Hanggang kailan mamumuhay ang galit sa puso mo? Hindi ka pa ba nabibigatan sa pagdala ng ngitngit at galit sa loob ng dalawampu't limang taon? Talaga bang mahirap magpatawad? Sana ay hindi, dahil ang pag-usad ay makakamit lamang kung hahayaan na natin ang nakaraan at patuloy na harapin ang ngayon at bukas. Gumugulong na ang hustisya, palayain na natin ang ating bansa sa poot at galit para sabay-sabay tayong makausad at mahakbang man lang kahit isa. Dahil sa bandang huli, ang Pilipinas at tayong mga mamamayan nito ang magpapasan ng hirap.

Magta-tatlumpu na ako at hanggang sa ngayon dala ko pa din ang ideyalismo na kaya nating baguhin ang Pilipinas kung sama-sama at nagkakaisa. Sana sama-sama tayong baguhin kung alin man sa tingin ninyo ang mali sa ating mga gawi. Magkapit-bisig tayong muli para tulungan makaahon ang bansang Pilipinas! Patunayan nating hindi tayo nagkamali sa paglulunsad ng People Power at hindi natin kailangan ng batas-militar para sumunod sa batas.

Tara na, huwag nang pakipot! Let's get it on!

Wednesday, February 9, 2011

Sino Ka?

Natanong mo na ba sa sarili mo kung "sino ka?" Sino ka para sa mga kaibigan, ka-opisina, pamilya at para sa ibang tao? Importante ba para sayo kung ano ang tingin o pagkakakilala sayo ng iba?

Nagtanong ako sa ilang kaibigan kung ano nga ba ang pagkakakilala nila sa akin. Nu'ng una ay natawa sila at inakalang nagbibiro ako, pero makalipas ang ilang pagpipilit eh pumayag na rin sila at sinakyan ang kalokohan ko.

Narito ang ilan sa mga sagot nila:

ikaw yung taong hindi nagpapatalo
ipaglalaban ang alam mong tama
malakas kang mang-asar pero pikon naman
bully!
always willing to help (ehem)
masayang kasama (ehem ulit)
makulit at madaldal
bubbly...


'yan yung ilan sa mga nakuha kong sagot mula sa kanila. Ang ilan ay positibo at meron ding negatibo,ang ilan hindi ko akalaing ganon pala ako para sa kanila. Totoong hindi lahat ng tao eh magugustuhan ka o matutuwa sa lahat ng ginagawa mo. Hindi lahat sila ila-like ang lahat ng status mo sa facebook. Pero gaano nga ba kahalaga para sayo ang tingin sayo ng iba? Kapantay ba ng langit ang reputasyon mo sa lupa? Makatarungan bang kunin ang sariling buhay dahil nadungisan na ang iyong reputasyon na ilang taon mong binuno at iningatan?

Sa totoo lang, medyo maramdamin din ako lalo na kapag patungkol na sa pagkatao ko ang pinag uusapan. Kung minsan matagal bago mawala sa isip ko kapag nakarinig ako ng negatibong komento mula sa iba. Nalulungkot ako minsan dahil alam ko hindi nga lahat ng tao eh alam na kung sino ako, pero hindi ko naman naiisipang magpakamatay dahil dito. Naranasan ko na din ang mapagbintangan sa isang bagay na hindi ko naman ginawa at tuluyang makasira sa pangalan ng aking pamilya. Pero hindi ko pa rin naging "option" ang magpakamatay kahit na mas masaya pa siguro kung patay ka na nga lang at tapusin na lang ang panghuhusga ng ibang tao. Kung minsan totoong nakapanghihina at nakakababa ng moralidad ang naririnig mo sa iba lalo na kung patungkol sa pagkatao mo at mga gawi mo. At higit sigurong masakit kapag nadadamay na pati ang pamilya mo.

Siguro nga iba-iba ang pagtanggap natin sa bawat sitwasyong meron tayo. Iba-iba ang reaksyon natin sa mga pangyayaring dumadating sa buhay natin. Sabi nga gahibla lang daw ng buhok ang pagitan ng katinuan at kabaliwan depende kung gaano ang pagtanggap mo sa mga sitwasyon.

Para sa akin, hindi mo dapat hayaang maapektuhan ng mga komento ng iba o ng mga nasasabi ng iba ang pagkatao mo. Hindi madaling basta na lang tanggapin ang lahat ng paratang na ibabato ng mga tao sayo. Pero palagay ko, mas hindi tamang wakasan ang sariling buhay dahil lang sa mga bintang at paratang na ibinabato sayo ng taumbayan. Para sa akin, hindi sagot ang pagpapakamatay para linisin ang nadungisan mong pangalan. Hindi ko matatawag na “extreme courage” ang pagtakas sa responsibilidad na magbigay ng katarungan sa sugat na patuloy na pinaghihilom. Dahil kung talagang matapang ka, haharapin mo ang sitwasyon, ipaglalaban ang reputasyon mo at ipagtatanggol kung sino ka dahil wala namang ibang gagawa ng ganon kundi ikaw. At sa ganitong sitwasyon, ang sarili mo ang kontrolado mo at wala ka na talagang magagawa sa sasabihin ng iba.

Para sa akin, hindi na siguro masyadong mahalaga kung ano ang tingin ng iba sa akin. Kung minsan kasi, napipilitan kang mamuhay ayon sa inaasahan ng iba sayo. Gusto kong isabuhay kung sino ako. Higit kong pinapahalagahan kung sino ako sa mata ng Diyos, may tao mang nakamasid o wala.

Mas maige na siguro ang malinis na kunsensya kesa malinis na pangalan, dahil sa huli ang malinis ang puso ang huhusgahan.

Saturday, February 5, 2011

Kill Joy!

Biyernes na naman! Yehey! Uuwi ako sa min!

Nakagawian ko na ata ang manita ng mga driver na hindi marunong umintindi ng babala sa harap mismo ng kanilang manibela - "Bawal manigarilyo!" in english "No smoking!". Hindi ko alam kung hindi talaga sila marunong bumasa o sadyang baliktad lang talaga ang intindi nating mga Pilipino sa mga babala. Kung san kasi may nakalagay na bawal, doon ginagawa ang mga bagay-bagay! Hoy! Pinoy ako!

Oo kuya alam ko, ang KJ-KJ ko! Siguro kung tinatandaan nyo lang ang mukha ko, hindi nyo na ko pasasakayin sa jeep nyo. Alam ko ang kasiyahang naidudulot ng paghithit ng sigarilyo para kay manong driver, kay kuyang magtataho at sayo batang kolehiyala. Pero sana naman isipin nyo din ang mga taong hindi nag-eenjoy sa usok na ibinubuga ng inyong mga bibig. Ang sarap pa naman ng dampi ng malamig na hangin mula sa bintana ng bulok na jeep ni manong driver,tapos bigla kang makakaamoy ng usok ng sigarilyo! Ang KJ nyo men!

Manong driver: (magsisindi ng sigarilyo, hihithit ng isang beses)
Bebejho!: Manong diba po bawal manigarilyo (sabay turo sa nakapaskil sa harap ni manong driver)
Manong driver: (Susunod naman pero matapos ang..) %*%@#*& Sayang naman tong... &%$#*&^! &%#)&^%% (murmuring til fade!)
Bebejho!: Para na ho sa tabi!


Bakit nga ba kapag ginagawa mo ang tama, parang ang kill-joy, kill-joy mo? Hindi na nga ba masaya ang gumawa ng tama? Dahil ba sa pagtalima at paggawa ng tama ay pinapatay mo ang kaligayahan ng mga taong nasanay nang gumawa ng mali? Kill-joy nga!

Paniguradong nabuwisit ka din tulad ko sa mga huling pagbubunyag ng katiwalian sa ating bansa. Sa totoo lang hindi ko na alam kung ano pa ang mararamdaman ko sa tuwing makakarinig ako ng mga balita tungkol sa mga KJ na opisyal ng Pilipinas. Nakakangilo na ang kurapsyon sa Pilipinas!

Noong nakaraang linggo nakilala natin si Ret. Lt. Col. George Rabusa na nagsiwalat ng katiwalian sa Armed Forces of the Philippines. Milyong pisong pera para sa pagbili ng matataas na kalibreng gamit pandigma sana ang winaldas ng iilang opisyal ng AFP. Mga perang galing sa iba't ibang ahensya ng mundo, at galing sa mga buwis na kinakaltas sa ating mga sahod. Sayang! Meron na sana tayong nuclear weapon! :)

Madaming matataas na opisyal ng gobyerno ang sinasabing may kinalaman sa sistemang ito ng AFP. Akalain mong may "pasalubong" at "pabaon" pa ang mga lintek na mga heneral na yan! Sa min nun, pansit o donut lang ang pasalubong sa min nun ng tatay ko, samantalang sa kanila parang barya lang ang P50M. Grabe!

Ret. Lt. Col Rabusa: Hindi po bababa sa 50M piso ang tinanggap ni Gen. Angelo Reyes no'ng magretiro po sya sa AFP your honor.
Dating Gen. Angelo Reyes: Tatanungin kita, ako ba ay naging ganid o nagswapang noong ako'y nanunungkulan?
Bebejho!: Ano daw?!


Nakakalungkot isipin na may mga taong dapat mo pang pagsabihan na mali ang gawaing ito bago pa nila malamang mali nga ang kanilang ginagawa o kailangan pang sitahin bago sumunod sa batas. O kaya naman, dahil ginagawa ng karamihan ay nagiging tama na sa paningin ng ilan. Hanga pa rin ako sa mga taong kahit last two minutes na eh humahabol pa rin maitama lang ang mga maling nagawa noon.

Kay Ginoong Rabusa at Bb. Mendoza, KJ man kayo sa paningin nila Angelo Reyes, panigurado namang full of joy ang mga anghel dahil sa pagsasabi nyo ng katotohanan.

At sana nga sa pagkakataong ito, maitama na ang mali at maparusahan na ang mga nagkamali. Huwag sanang mauwi lang din sa wala ang mga pagbubunyag na ito at ilang sakripisyong ginawa ng mga taong ito. Patuloy sana tayong maging positibo para sa ating Inang Bayan. Huwag mawalan ng pag-asa.

Para kay manong driver, sana naman matuto na kayong bumasa kung hindi man may drawing naman dun sa babala para mas maintindihan nyo ang nakasulat. Ang pagsunod sa simpleng babala ang huhubog sa disiplinang kailangan ng ating bayan. Tumawid sa tamang tawiran. Sumakay sa tamang sakayan. Magtapon ng basura sa tamang lalagyan. Bawal ang nakasimangot. Bawal ang KJ!

(sumakay na naman ako sa jeep ni manong driver kanina, tiningnan ko yung drawing sa babala, infairness mas mukha nga syang tambotso.. KJ naman... tsk. tsk)

Thursday, January 20, 2011

Paalam Na!

Mahabang panahon din kitang nakasama
Saksi sa mga oras ng ligaya’t saya
Sumalo sa mga luha sa aking mukha
Kadikit na saan man ako magpunta!

Alam kong alam mo na ito ay darating
Hindi mapipigilan kahit pa maglasing
Pilitin mo man ay ganon pa rin
Paghihiwalay sadyang ididiin!

Naging biglaan man ang paghihiwalay
Mahalagang parte ka ng aking buhay
Kung wala ka’y hindi ko mahaharap
Ang aking mga musmos na pangarap!

Anuman ang sabihin ko’y wala nang halaga
Pagsusumamo’t pag-alo sayo’y wala nang kwenta
Sakit na naramdaman ko sayo’y hindi na mahalaga
Kahit duguan na ang aking mukha!

Paalam na sayo mahal kong nunal!
Ilang taon din na ika’y aking marka
Mga tao’y ikaw lagi ang napupuna
Pakiwari ko’y ikaw na ang naging mukha!

Ramdam ko pa ang sakit
Nang biglaang pag-alis
Sana maging payapa
At peklat ay maalis! :)

_______

Ouch! it hurts you know!

Thursday, December 23, 2010

Hustisya

Court room.

Abogado: Nene, maari mo bang ituro kung sino ang gumahasa sa iyo?
Nene: Siya po. (sabay turo kay Totoy)

Ilang taon na rin ang nakalipas nang maganap ang isang pangyayaring bumago sa buhay ni Totoy.

Bunsong anak si Totoy mula sa limang magkakapatid. Hindi man mayaman, maayos ang pamumuhay ng pamilya ni Totoy. Masasabi mong paboritong anak, pamangkin at apo si Totoy dahil sa atensyong ibinibigay sa kanya, pero hindi naman siya naging "spoiled", sadya lamang malambing ang bata kaya kinagigiliwan ng lahat.

Si Nene naman ay anak ni Loreto, kilalang adik sa lugar nila. Ang nanay nya naman ay nagtatrabaho sa Japan bilang "entertainer". Kasama nila Nene sa bahay ang mga kapatid ng inang si Tessa. Si Makoy, bagamat mainitin ang ulo, ay masipag na naghahanap buhay para sa sarili nyang pamilya. Si Dina na madamot at mataray naman ang nangangasiwa ng maliit na negosyong naipundar ni Tessa. Kasama din nila ang kapatid na si John, na galing ng Laguna na pinauwi dahil sa maselang kasong kinasangkutan. Ganitong mga kasambahay ang kinalakihan ni Nene. Maaga siyang namulat sa masasamang gawain ng ama. Sa loob pa mismo ng bahay nila minsan umiskor ang ama at kung minsan may sugalan din.

Pinsan ni Tessa si Totoy, pamangkin naman ni Totoy si Nene. Sa isang compound lang naninirahan ang pamilya ni Totoy at Nene. Dahil hindi naman nagkakalayo ng edad, madalas na magkalaro sina Totoy at Nene.

Umuwi ang nanay ni Nene para magbakasyon ng isang buwan sa Pilipinas. Dahil matagal na nawalay sa anak, mahigpit na yakap ang sinalubong sa anak. Nagtaka ang ina nang mamilipit sa sakit ang anak, pero hindi rin naman masyadong pinansin ng ina, sa halip ay ibinida na sa anak ang mga winnie the pooh at hello kitty na laruan na sadya namang kinagiliwan ng anak.

Isang umaga, nakakwentuhan ni Tessa ang ina ni Totoy, dahil pamangkin at nagmamalasakit ay naikwento nya kay Tessa ang gawain ng asawa. Laking gulat ni Tessa at daliang nagdesisyong mag-alsa balutan kasama ang anak na si Nene at mga kapatid . Doon sila tumuloy sa bahay nila Dina sa Pasig. Galit na galit si Loreto sa ina ni Totoy. Hindi naman nagtagal ay sumunod din si Loreto sa mag-ina at nagpaliwanag na tinanggap naman ni Tessa at doon na sa Pasig nanirahan ang pamilya.

Dumalaw ang pamilya sa dati nilang bahay, at dahil bakasyon, inanyayahan ni Loreto si Totoy na magbakasyon sa bago nilang bahay. Pumayag naman ang ina ni Totoy at sinabihan si Totoy na umuwi rin sa susunod na linggo dahil enrolment na.

Nakakatatlong araw palang si Totoy sa bahay nang masaksihan niya ang hindi inaasahang eksena. Wala noon ang mga magulang ni Nene. Sila lamang ang tao nang mga oras na yun. Palabas si Totoy ng banyo nang makita nyang hinahawakan ng kapatid ni Tessa na si John ang maselang bahagi ni Nene. Sandaling natigilan si John at lumapit kay Totoy. "Subukan mong magsumbong, papatayin ko nanay mo", ang bulong ni John kay Totoy. Hindi miminsang ginawa ni John ang ganong kahalayan sa pamangkin. Noon pa mang nasa dati silang bahay ay ginagawa na niya ito lalo na kapag lango sa droga kasama ang ama ni Nene.

Wala pang isang linggo ay nagpasya nang umuwi si Totoy sa kanila. Sa takot ay hindi rin niya nagawang magsumbong sa ina. Isang linggo ang nagdaan nang isang sulat ang dumating sa bahay nila Totoy. Sobpeana galing sa Regional Trial Court ng Pasig. Muntik nang himatayin sa nerbyos ang ina ni Totoy nang makita ang sulat. People of the Philippines vs. Totoy Diokno, statutory rape.


Paano nga ba gumagalaw ang hustisya sa ating bansa? Gaano na nga ba karami ang nagdurusa sa loob ng rehas na bakal dahil sa mga kasalanang hindi sila ang may gawa? Tama pa ba ang ikot ng hustisya sa aking bansang pilit na pinaniniwalaang aahon sa kinasasadlakan? Nakakamit nga ba ang hustisya sa pagpapakulong ng taong inosente? At bakit nga ba marami ang nakukulong gayong wala naman silang kasalanan?

Isa lamang ang kwento ni Totoy sa palagay kong dumaraming kaso ng mga napipiit na walang kasalanan. Isa lamang sya sa mga nagdusa sa loob ng piitan para sa kasalanang hindi sya ang may gawa. Ilang taon n’yang tiniis ang malayo sa pamilya sa gulang na dapat ay inaaruga at inaalagaan pa sya ng magulang at mga kapatid. Ilang taon ang nasayang sa loob, nalipasan ng kabataan at napag-iwanan ng mga kaibigan.

Marahil hindi na bago sa atin ang bulok na sistema ng ating hustisya. Sa loob ng ilang taon, pinilit sikmurain ng pamilya ni Totoy ang umaalingasaw na baho ng sistema ng hustisya. Kinailangang magbayad sa mga bilanggo para lang maprotektahan ang bunsong anak, “maglagay” sa mga pulis para lang ‘wag mahagupit ang murang katawan, halos araw-araw na pagbisita para lang masiguro ang kaligtasan at matiyak ang kalusugan ng pinakamamahal na anak. Kung titingnan mo nga naman kasi ang sitwasyon ng mga bilanggo, hindi mo rin maipagkakatiwala sa kanila ang iyong anak. Ilan lang iyan sa pasakit na nilampasang pilit hindi lang ni Totoy kundi ng buong pamilya higit pa ang emosyonal na pasanin na talagang pumipiga sa puso ng kanyang ina.

Inabot ng ilang taon ang pakikipaglaban ni Totoy. Tiniis ang hirap sa loob kasama ng mga totoong kriminal. Patuloy na naniniwala na patas ang batas. Na sa huli mapapatunayan din na wala s’yang kasalanan.

Masakit para sa pamilya ng biktima ang makitang pinapalaya at pinapawalang sala ng batas ang mga taong sa palagay nilang lumapastangan sa kanilang mga mahal sa buhay, pero palagay ko, parehong sakit ang nararamdaman ng mga pamilya ng mga taong inaakusahan sa sala ng iba. Ganap nga ba ang hustiya kung maling tao ang naihabla? Sa palagay ko’y hindi, dahil ang hustiya ay makakamit lamang kung pagbabayaran ng taong tunay na nagkasala sa batas.

Sa huli, tanging Diyos lamang ang nakakaalam sa puso ng bawat isa. At sa Kanya walang maitatago ang sinuman.

Laya na si Totoy. Isa siya sa mga napalaya nang maisabatas ang RA9344 o Justice Juvenile Act of 2006 - ito ang batas na nagpapalaya o nagpapawalang sala sa mga kabataan edad 15 pababa na nagkasala sa batas. Inililipat ng batas na ito sa DSWD ang responsibilidad sa paghubog sa mga kabataang naging delingkwente sa batas patungo sa kanilang pagbabago. Mapalad pa rin si Totoy dahil sa kabila ng mga nangyari sa kanya, heto at magtatapos na sya ng kolehiyo. Nararanasan na nya ang kalayaan at ang walang hanggang pagmamahal ng pamilya. Pinipilit magsimula at madugtungan ang kabataan na ipinagkait sa kanya ng hustiyang umiiral sa bansa.

Laman ng mga pahayagan at ng mga balita ngayon ang pagpapasawalang sala kina Hubert Webb at ibang kasamahan sa kaso ng Vizconde Massacre. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, kung sasang-ayon ba ko sa sabi ng Korte Suprema o makikisimpatya kay Mang Lauro. Mahaba na ang tinakbo ng kaso,at sa hinaba-haba lalo lang ako nayayamot sa sistemang meron ang bansa.

Monday, November 8, 2010

Ako o Ikaw?

Ilang taon na din tayong magkasama
Pilit at pinilit na ako'y mapasaya
Bawat kilos mo ako ang inaalala
Lagi ang kaligayahan ko ang inuuna.

Tuwing lalabas ang tanong "san ang gusto mo?"
Gusto mong sa pagkain ang tiyan ko ay puno
Kahit paulit ulit basta dapat gusto ko,
Dun tayo sa Jollibee kahit gusto mo ay Mcdo.

Naging masaya ako sa piling mo
Pakiramdam ko ang swerte ko
Dahil ikaw ang kasama ko
Na walang inisip kundi ako.

Ilan taon na nga bang laging ganito?
Puro ako ang sentro ng isip mo
Sinunod ang lahat ng gusto ko
Nililinisan pati na ang kuko ko.

Sa ilang taon palaging ako
Kahit na may sarili ka ring gusto
Palaging ako ang kinakamusta mo
Namuti na mata sa kakaintay sa text ko.

Manhid ba talaga ako sa gusto mo?
Ni hindi ko alam ano ang lagay mo
Masaya ka pa rin bang laging gan'to
Nasasaktan at umiiyak ng patago?

Naging abala ba ako sa ibang bagay?
Kaya di ko pansin ang lahat ng binigay
Kahit mga salita ko'y lumalatay
Sa damdamin mo anumang oras eh bibigay?

Alam kong nasasaktan ka
At lihim na lumuluha
Pakiwari'y walang kwenta
At oras mo'y nasayang na!

Hindi ko alam san sisimulan
Ang panunuyo ng pagmamahalan
Hindi ko gawi ang emote-tan
Kaya mukhang walang pakialam.

Sana minsan masabi mo
Ang hinaing ng puso mo
Subok lang baka matauhan ako
Sa katangahan ng puso ko!