Monday, August 10, 2009

Durian sa Mindanao

Durian. Nakatikim ka na ba ng durian? Ano naman ang masasabi mo?

Kadalasan, puro pangit ang reaksyon sa prutas na ito ng Davao. Mabaho, amoy ta*.

Hindi pa ako talaga nakakatikim ng durian sa tanang buhay ko. Sabi ko kasi ayokong kumain ng pagkaing amoy ta*, sa isip ko baka lasang ewww sya. Kaya hanggang sa ngayon ay nakaasa pa rin ako sa reaksyon ng karamihan patungkol sa prutas na ito.

Kung minsan ganito talaga tayong mga tao, nakaasa sa kung ano ang sinasabi ng iba.

Mula bata palang ako, hindi na rin maganda ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Mindanao. Magulo, puro karahasan, maraming bandido at pasakit sa lipunan ang rehiyon na ito ng ating bansa ayon sa karamihan. Dala ko din ang paniniwalang ito hanggang sa lumaki ako. Laman ng mga pahayagan ang karahasan sa Mindanao araw-araw. Mga bandidong dumudukot sa mga social workers, misyonaryo at mga dayuhang bumibisita sa lugar. Nakakatakot talaga.

Galing ako ng General Santos City noong nakaraang linggo. Bumisita kami sa mga kababayan nating Muslim. Nagsagawa ng munting dental check up para sa mga bata at konting oral hygiene seminar. Nakipagkwentuhan at nakipagtawanan.

Masayahin ang mga bata sa GenSan. Makukulit din tulad ng mga estudyante ko sa Sunday school. Mahirap lang yung lugar na napuntahan namin, parang Payatas kung titingnan mo ang pagkakadikit-dikit ng mga bahay. May mga hinaing sila na pakiramdaman nila ay hindi tinutugunan ng gobyerno. Isang kwarto lang ang eskwelahan ng mga kinder doon, at yun lang ang eskwelahan na malapit sa kanila.

Bago ako tuluyang magpunta ng Mindanao, naisip ko ulit ang durian. Ganon din kaya ang Mindanao? Mabaho pero masarap? Dapat ko bang paniwalaan ang sinasabi ng iba?

Sa dami ng negatibong kaisipan tungkol sa bahaging ito ng Pilipinas, talagang magdadalawang isip kang magtungo rito. Pero sa ilang araw namin sa lugar na ito, payapa at maayos naman ang naging takbo ng aming misyon. Nangibabaw ang ganda at kalinisan ng Davao kesa karahasan, ang masasayahing bata kesa mga bandido, ang kagalakang makilala ang mga kababayan natin kesa takot.

Maaaring maliit na bahagi lang ng Mindanao ang nakita ko, pero para sa akin sapat na yun para mag-iba ng konti ang tingin ko sa Mindanao.

At tama nga, mabaho pero masarap ang durian! *wink*

2 comments:

J.Kulisap said...

Mayaman ang Mindanao kaya nga ipinaglalaban ng mga kapatid nating muslim, nakakalungkot lamang dahil ang mga inosenteng bata ay napagkakaitan ng edukasyon, tamang paglaki sa paraang tama.

Hindi ko rin maintindihan o ayaw kong umintindi. Ikaw gaano ba kalawak ang iyong pananaw?

bebejho! said...

marahil napakalalim na ng ugat ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga kababayan nating Muslim at gobyerno... nakakalungkot lang talagang makita na ang mga musmos ang sumasalo ng lahat ng epekto ng hidwaang ito... pero nde pa huli ang lahat.. marami pa tayong pwedeng gawin... higit ang manalangin para sa ating bayan...

salamat j kulisap sa pagdaan... nawa'y mapadapo kang muli sa aking munting tahanan...