Masaya ang mga unang taon ng kabataan ko. Lagi akong may bagong laruan. Lagi kaming naggo-grocery ng nanay ko. Naging paborito ko ang jellyace at yakult. Tuwing hapon may merienda kaming spaghetti o kaya naman ay sopas, kahit ano basta magluluto ang nanay ko pag oras na ng merienda. Lagi din akong may bagong damit. Naalala ko pa noon, terno-terno ang damit ko kaya madaling malaman ang kulay ng salawal ko kasi hilig ng nanay ko na pare-pareho ang kulay ng suot ko hanggang sa tsinelas ko. Kaya kung ano ang kulay ng sando ko, tiyak na tiyak ganon din ang kulay ng salawal ko.
Masaya pa talaga noon. Ako pa ang bunso. Lahat ng masabi ko sa tatay ko binibili nya. Naalala ko din yung isang “money-making” contest sa baranggay namin. Pinilit talaga nyang manalo ako kahit maubos ang lahat ng pera nya basta ako ang maging “Manna Princess” ng baranggay namin. Feeling ko noon, kami ang pinkamayaman sa lugar namin kasi ang ganda ng gown ko noon.
Natapos ang mga masasayang araw na yun ng maghiwalay ang nanay at tatay ko. Grade Six ako noon. Yung dating masaya, naging magulo. Recognition Day ko, wala akong kasamang magulang. Malungkot. Magulo. Mahirap.
Nakatapos ako ng kolehiyo ng hindi ko nakasama ang tatay ko. Wala na sa isipan ko na babalik pa syang muli. Hindi na ko umaasa. Naglaho na din ang galit na dating nananahan sa puso ko. Nagsimula kaming muli ng hindi kasama ang tatay ko.
Magaling ang Diyos. Sa mga panahong hindi ko na inaasahang darating sya, doon sya bumalik. Mahina na at may karamdamang lalong nagpapahina sa kanya. Hindi man na kami sing garbo ng dati, naging masaya ulit ako sa pagdating nya. Hindi man naging matagal ang pagsasamang iyon, at least nagawa pa rin nyang magkwento ng tungkol sa kabataan nya. Mga kwentong hindi nya naikwento sa amin dati.
Disyembre 17, 2006 ng muli syang umalis sa aming bahay, at sa pagkakataong ito alam kong hindi na talaga sya babalik.
Hindi mo man na naririnig pero sasabihin ko pa rin.. Salamat ‘tay!
3 comments:
Pang ilan na ba akong hahaplos sa nagkapilat mong nakaraan. Hindi matitighaw ng mga salita ko ang naranasan mong pangungulila at ang walang hanggang pagtatanong ng "Bakit".
Subalit, ano pa ang silbi kung ikukulong pa rin ang nakaraan 'yon na alam nating hindi na magbabalik.
Umusad ka, hahabi ka ng magandang kwento. Ang nakaraan ay isa na lamang pilas sa makulay na buhay mo dito sa mundo.
Kung wala ang ama mo,ay wala ring nagpapahayag ng isinulat mo. Humugot ka ng inspirasyon, kaya naman..Salamat sa tatay mo.
simple pero may kurot...
:)
j kulisap, sa ngayon, wala na kong tanong lalo na ang "bakit" alam ko may dahilan ang lahat.. maraming salamat sa pagdaan...
bossing! kamusta na? salamat sa oras... ano ng balita?
Post a Comment