Biyernes na naman! Yehey! Uuwi ako sa min!
Nakagawian ko na ata ang manita ng mga driver na hindi marunong umintindi ng babala sa harap mismo ng kanilang manibela - "Bawal manigarilyo!" in english "No smoking!". Hindi ko alam kung hindi talaga sila marunong bumasa o sadyang baliktad lang talaga ang intindi nating mga Pilipino sa mga babala. Kung san kasi may nakalagay na bawal, doon ginagawa ang mga bagay-bagay! Hoy! Pinoy ako!
Oo kuya alam ko, ang KJ-KJ ko! Siguro kung tinatandaan nyo lang ang mukha ko, hindi nyo na ko pasasakayin sa jeep nyo. Alam ko ang kasiyahang naidudulot ng paghithit ng sigarilyo para kay manong driver, kay kuyang magtataho at sayo batang kolehiyala. Pero sana naman isipin nyo din ang mga taong hindi nag-eenjoy sa usok na ibinubuga ng inyong mga bibig. Ang sarap pa naman ng dampi ng malamig na hangin mula sa bintana ng bulok na jeep ni manong driver,tapos bigla kang makakaamoy ng usok ng sigarilyo! Ang KJ nyo men!
Manong driver: (magsisindi ng sigarilyo, hihithit ng isang beses)
Bebejho!: Manong diba po bawal manigarilyo (sabay turo sa nakapaskil sa harap ni manong driver)
Manong driver: (Susunod naman pero matapos ang..) %*%@#*& Sayang naman tong... &%$#*&^! &%#)&^%% (murmuring til fade!)
Bebejho!: Para na ho sa tabi!
Bakit nga ba kapag ginagawa mo ang tama, parang ang kill-joy, kill-joy mo? Hindi na nga ba masaya ang gumawa ng tama? Dahil ba sa pagtalima at paggawa ng tama ay pinapatay mo ang kaligayahan ng mga taong nasanay nang gumawa ng mali? Kill-joy nga!
Paniguradong nabuwisit ka din tulad ko sa mga huling pagbubunyag ng katiwalian sa ating bansa. Sa totoo lang hindi ko na alam kung ano pa ang mararamdaman ko sa tuwing makakarinig ako ng mga balita tungkol sa mga KJ na opisyal ng Pilipinas. Nakakangilo na ang kurapsyon sa Pilipinas!
Noong nakaraang linggo nakilala natin si Ret. Lt. Col. George Rabusa na nagsiwalat ng katiwalian sa Armed Forces of the Philippines. Milyong pisong pera para sa pagbili ng matataas na kalibreng gamit pandigma sana ang winaldas ng iilang opisyal ng AFP. Mga perang galing sa iba't ibang ahensya ng mundo, at galing sa mga buwis na kinakaltas sa ating mga sahod. Sayang! Meron na sana tayong nuclear weapon! :)
Madaming matataas na opisyal ng gobyerno ang sinasabing may kinalaman sa sistemang ito ng AFP. Akalain mong may "pasalubong" at "pabaon" pa ang mga lintek na mga heneral na yan! Sa min nun, pansit o donut lang ang pasalubong sa min nun ng tatay ko, samantalang sa kanila parang barya lang ang P50M. Grabe!
Ret. Lt. Col Rabusa: Hindi po bababa sa 50M piso ang tinanggap ni Gen. Angelo Reyes no'ng magretiro po sya sa AFP your honor.
Dating Gen. Angelo Reyes: Tatanungin kita, ako ba ay naging ganid o nagswapang noong ako'y nanunungkulan?
Bebejho!: Ano daw?!
Nakakalungkot isipin na may mga taong dapat mo pang pagsabihan na mali ang gawaing ito bago pa nila malamang mali nga ang kanilang ginagawa o kailangan pang sitahin bago sumunod sa batas. O kaya naman, dahil ginagawa ng karamihan ay nagiging tama na sa paningin ng ilan. Hanga pa rin ako sa mga taong kahit last two minutes na eh humahabol pa rin maitama lang ang mga maling nagawa noon.
Kay Ginoong Rabusa at Bb. Mendoza, KJ man kayo sa paningin nila Angelo Reyes, panigurado namang full of joy ang mga anghel dahil sa pagsasabi nyo ng katotohanan.
At sana nga sa pagkakataong ito, maitama na ang mali at maparusahan na ang mga nagkamali. Huwag sanang mauwi lang din sa wala ang mga pagbubunyag na ito at ilang sakripisyong ginawa ng mga taong ito. Patuloy sana tayong maging positibo para sa ating Inang Bayan. Huwag mawalan ng pag-asa.
Para kay manong driver, sana naman matuto na kayong bumasa kung hindi man may drawing naman dun sa babala para mas maintindihan nyo ang nakasulat. Ang pagsunod sa simpleng babala ang huhubog sa disiplinang kailangan ng ating bayan. Tumawid sa tamang tawiran. Sumakay sa tamang sakayan. Magtapon ng basura sa tamang lalagyan. Bawal ang nakasimangot. Bawal ang KJ!
(sumakay na naman ako sa jeep ni manong driver kanina, tiningnan ko yung drawing sa babala, infairness mas mukha nga syang tambotso.. KJ naman... tsk. tsk)
No comments:
Post a Comment