Natanong mo na ba sa sarili mo kung "sino ka?" Sino ka para sa mga kaibigan, ka-opisina, pamilya at para sa ibang tao? Importante ba para sayo kung ano ang tingin o pagkakakilala sayo ng iba?
Nagtanong ako sa ilang kaibigan kung ano nga ba ang pagkakakilala nila sa akin. Nu'ng una ay natawa sila at inakalang nagbibiro ako, pero makalipas ang ilang pagpipilit eh pumayag na rin sila at sinakyan ang kalokohan ko.
Narito ang ilan sa mga sagot nila:
ikaw yung taong hindi nagpapatalo
ipaglalaban ang alam mong tama
malakas kang mang-asar pero pikon naman
bully!
always willing to help (ehem)
masayang kasama (ehem ulit)
makulit at madaldal
bubbly...
'yan yung ilan sa mga nakuha kong sagot mula sa kanila. Ang ilan ay positibo at meron ding negatibo,ang ilan hindi ko akalaing ganon pala ako para sa kanila. Totoong hindi lahat ng tao eh magugustuhan ka o matutuwa sa lahat ng ginagawa mo. Hindi lahat sila ila-like ang lahat ng status mo sa facebook. Pero gaano nga ba kahalaga para sayo ang tingin sayo ng iba? Kapantay ba ng langit ang reputasyon mo sa lupa? Makatarungan bang kunin ang sariling buhay dahil nadungisan na ang iyong reputasyon na ilang taon mong binuno at iningatan?
Sa totoo lang, medyo maramdamin din ako lalo na kapag patungkol na sa pagkatao ko ang pinag uusapan. Kung minsan matagal bago mawala sa isip ko kapag nakarinig ako ng negatibong komento mula sa iba. Nalulungkot ako minsan dahil alam ko hindi nga lahat ng tao eh alam na kung sino ako, pero hindi ko naman naiisipang magpakamatay dahil dito. Naranasan ko na din ang mapagbintangan sa isang bagay na hindi ko naman ginawa at tuluyang makasira sa pangalan ng aking pamilya. Pero hindi ko pa rin naging "option" ang magpakamatay kahit na mas masaya pa siguro kung patay ka na nga lang at tapusin na lang ang panghuhusga ng ibang tao. Kung minsan totoong nakapanghihina at nakakababa ng moralidad ang naririnig mo sa iba lalo na kung patungkol sa pagkatao mo at mga gawi mo. At higit sigurong masakit kapag nadadamay na pati ang pamilya mo.
Siguro nga iba-iba ang pagtanggap natin sa bawat sitwasyong meron tayo. Iba-iba ang reaksyon natin sa mga pangyayaring dumadating sa buhay natin. Sabi nga gahibla lang daw ng buhok ang pagitan ng katinuan at kabaliwan depende kung gaano ang pagtanggap mo sa mga sitwasyon.
Para sa akin, hindi mo dapat hayaang maapektuhan ng mga komento ng iba o ng mga nasasabi ng iba ang pagkatao mo. Hindi madaling basta na lang tanggapin ang lahat ng paratang na ibabato ng mga tao sayo. Pero palagay ko, mas hindi tamang wakasan ang sariling buhay dahil lang sa mga bintang at paratang na ibinabato sayo ng taumbayan. Para sa akin, hindi sagot ang pagpapakamatay para linisin ang nadungisan mong pangalan. Hindi ko matatawag na “extreme courage” ang pagtakas sa responsibilidad na magbigay ng katarungan sa sugat na patuloy na pinaghihilom. Dahil kung talagang matapang ka, haharapin mo ang sitwasyon, ipaglalaban ang reputasyon mo at ipagtatanggol kung sino ka dahil wala namang ibang gagawa ng ganon kundi ikaw. At sa ganitong sitwasyon, ang sarili mo ang kontrolado mo at wala ka na talagang magagawa sa sasabihin ng iba.
Para sa akin, hindi na siguro masyadong mahalaga kung ano ang tingin ng iba sa akin. Kung minsan kasi, napipilitan kang mamuhay ayon sa inaasahan ng iba sayo. Gusto kong isabuhay kung sino ako. Higit kong pinapahalagahan kung sino ako sa mata ng Diyos, may tao mang nakamasid o wala.
Mas maige na siguro ang malinis na kunsensya kesa malinis na pangalan, dahil sa huli ang malinis ang puso ang huhusgahan.
No comments:
Post a Comment