Paniguradong naninilaw na naman ang buong bansa dahil sa pagdiriwang at paggunita sa EDSA People Power 1. Bumabaha na naman ng kanya kanyang kuru-kuro at opinion tungkol sa dating pamahalaan at mga naging karanasan nila sa mga panahon na tinuturing na “dark days of the Philippines”.
Dalawampu’t limang taon na nga ang nakalipas nang una nating ipinakita sa buong mundo ang pwersa ng “people power”. Mahigit dalawang dekada na ang lumipas, ano na ba para sa iyo ang diwa ng EDSA?
Mga apat na taon palang ako noong mangyari ang pinagkakapitaganan nating People Power Revolution. Sabi ng marami, ito daw yung panahon na nagsama-sama ang halos lahat ng Pilipino sa EDSA para patalsikin ang diktaduryang Marcos. Kumanta ng "Handog sa Pilipino", nag-alay ng bulaklak sa mga sundalo, sama-samang nanalangin at nagkapit-bisig para sa pagbabago at pag-unlad ng bayan. Walang duda! Kaya pala sobra nating ipinagmamalaki ang nangyari noong February 25, 1986. Dahil naipakita natin sa buong mundo na kaya nating magawa ang isang bagay kung sama-sama. Tama!
Mahigit dalawang dekada na, ganito pa rin ba ang diwa ng EDSA? Natapos na ba ang diwa ng EDSA noong 1986? Isa na nga lang bang gunita at alaala ang diwa ng People Power? Tuwing may ayaw lang ba tayong gobyerno lumalabas ang diwa ng pagkakaisa? Ganito na lang ba kababaw ang diwa ng EDSA?
Matapos ang EDSA Revolution, panigurado nakatingin ang buong mundo sa ating bansa. Nagmamasid at nanunukat kung maisasakatuparan nga ba natin ang pagbabagong isinisigaw natin sa EDSA dalawampu't limang taon na ang nakararaan. Palagay mo, nasan na nga ba ang Pilipinas matapos ang People Power? Masaya ka pa rin bang gunitain ang araw na ito?
Nabasa ko sa isang blog ni Maria Ressa, na halos 36% na lang daw ng mga Pilipino ang naniniwalang tama ang EDSA Revolution. Marahil ang iba sa kanila ay nahinawa na sa paulit-ulit na trahedya at komedyang nararanasan ng ating bansa. May basehan ba ang sagot nila?
Hindi na siguro importanteng balikan ko ang nakaraan dahil panigurado alam nyo nang lahat iyon. Magulo, marumi, marahas at walang konsensya ang panahong iyon, yan malamang ang sasabihin mo. Pero para sa akin, hindi naman siguro tagos sa buto ang karumihan ng gobyerno noon kumpara ngayon. Kung noon, mga Marcos lang at ilang cronies ang corrupt, aba ngayon, buong gobyerno na ang corrupt! Saan ka pa! Nagagalit tayo sa $25B na utang ni Marcos na pinangpagawa ng Heart Center, Lung Center, CCP, San Juanico Bridge, East Avenue Medical Center, LRT at kung anu-ano pang imprastraktura pero ok lang sa atin ang milyon-milyong kinurakot at kinukurakot ng marami nating pulitiko at patuloy na pangungutang para sa mga kunya-kunyariang proyekto ng gobyerno. Nagagalit tayo ng taos-puso sa mga kaliwa't kanang human rights violation nung panahon ng Martial Law pero half-hearted pa ang ilan sa Ampatuan Massacre at ilang pagpatay sa mga mamamahayag. Nakafreeze na ang lahat ng ari-arian ng mga Marcoses para ibalik sa mga nasamantala noong panahon nya. Naging masama ang gobyernong iyon, at patuloy pa rin ang kasamaan sa ating pamahalaan. Palagay nyo, may nagbago ba sa Pilipinas matapos ang dalawampu't limang taon?
Sa palagay ko, ang patuloy na paglingon at pagsisi sa nakaraang pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi kahit konti nakausad ang bansang Pilipinas. Hindi ako pro o anti sa kung kanino mang pamamahala, ang sa akin lang, mananatili ba tayo sa nakaraan? Lahat ba ng mali sa ngayon ay isisisi natin sa nakaraan? Hindi ba sapat na nakita natin ang kamalian at marami pang panahon para itama ang mga ito?
Unti-unti nang nawawala ang glorya ng EDSA Revolution, ang tanging nagbibigay sa atin ng karangalan bilang isang nasyon. Huwag na sana nating antayin pa na tuluyan nang mawala ang ningning ng pagkakaisa. Sana hindi natatapos ang pagdiriwang ng People Power, dahil para sa akin ang "people power" ay pagkakaisa para sa pag-unlad at pagbabago at hindi para magpagamit sa mga pulitiko. Hindi lang para patalsikin sa pwesto ang mga ayaw natin, kundi tulungan ang gobyerno para ang Pilipinas ay paunlarin. Bakit hindi natin iangat ang pakahulugan ng "people power" sa ibang level? Bakit hindi tayo magkaisa na sumunod sa batas trapiko? Bakit hindi tayo magkaisang linisin ang pamayanan? Bakit hindi tayo magkaisang tumawid sa tamang tawiran at sumunod sa batas? Ang diwa ng EDSA ay hindi lang para sa welga at rally, para din ito sa araw-araw na buhay Pilipino.
Hanggang kailan mamumuhay ang galit sa puso mo? Hindi ka pa ba nabibigatan sa pagdala ng ngitngit at galit sa loob ng dalawampu't limang taon? Talaga bang mahirap magpatawad? Sana ay hindi, dahil ang pag-usad ay makakamit lamang kung hahayaan na natin ang nakaraan at patuloy na harapin ang ngayon at bukas. Gumugulong na ang hustisya, palayain na natin ang ating bansa sa poot at galit para sabay-sabay tayong makausad at mahakbang man lang kahit isa. Dahil sa bandang huli, ang Pilipinas at tayong mga mamamayan nito ang magpapasan ng hirap.
Magta-tatlumpu na ako at hanggang sa ngayon dala ko pa din ang ideyalismo na kaya nating baguhin ang Pilipinas kung sama-sama at nagkakaisa. Sana sama-sama tayong baguhin kung alin man sa tingin ninyo ang mali sa ating mga gawi. Magkapit-bisig tayong muli para tulungan makaahon ang bansang Pilipinas! Patunayan nating hindi tayo nagkamali sa paglulunsad ng People Power at hindi natin kailangan ng batas-militar para sumunod sa batas.
Tara na, huwag nang pakipot! Let's get it on!
2 comments:
i always leave your blog smiling, the same reason why i always keep coming back...
:)
you are one hell of a writer...
at talagang hindi ako nagkamali para tawagin kang idol!
naku bossing! ikaw talaga si idol... and your words really inspire me... salamat! :)
Post a Comment